KARERA LANG! By Jenny Ortuoste for Tumbok, 30 September 2008, Tuesday
Breeding sa Pilipinas, Lumalago!
Upang mas maging interesting at kapana-panabik ang karera, kailangan magaganda ang performance ng mga kalahok. Kaya mahalaga para sa patuloy na pag-asenso ng karera ang pagpapalago ng breeding industry. Lately, may mga bagong players na enthusiastic at willing mag-invest ng nararapat upang makakuha ng de-kalidad na bloodstock at panakbo.
Isa na rito ang ACS Farm sa Batangas. Higit 90 hectares ang sinasakupan nito. Ang populasyon dito ay nasa higit 50 – isang stallion, mga 15 broodmares (pito ang buntis), at ang iba ay mga weanlings, yearlings, at panakbo na naka-bakasyon.
Paddocks at ACS Farm
Ito ang tahanan ng istalyong Jazz Club (Dixieland Band-Hidden Garden out of Mr. Prospector) na binili mula sa Maryland Stallion Station sa Glyndon, Maryland, USA, noong nakaraang taon.
Balak ng may-ari ng ACS Farm na mamili pa sa darating na mga thoroughbred sales sa Amerika, kung saan nanggagaling ang mga lahi na hinahangaan ng ating mga breeders at horseowners.
Kung international sales naman ang pag-uusapan, sunod-sunod na ang schedule ng mga ito sa mga darating na buwan. Una ay ang Mid-Atlantic Eastern Fall Yearlings sale ng Fasig-Tipton sa Timonium, Maryland, sa Set. 29-30 at Okt. 1.
Sa Okt. 30-31 naman ang Magic Millions National Horses in Training Sale sa Gold Coast, Australia. Ang “breeze-ups” o ensayo ay sa Okt. 28-29. Dito makikita ang performance ng kabayo sa workout upang makagawa ng magandang desisyon sa pagpili bago mamili.
Narito nga noong Sabado si David Chester, managing director ng Magic Millions, upang mag-award ng tropeo ng kanilang tatlong sponsored stakes races na idinaos sa Santa Ana Park. Kinuha niya rin ang opportunity na i-market sa prospective buyers ang sales na ito.
David Chester thanks ACS Farm for their hospitality
May isa siyang sinabi na hindi ko makakalimutan: “The best horsemen in Asia are Filipinos.” Katunayan ay naghahanda sila ng training program para sa mga vets, jockeys, farriers, at iba pang racetrack professionals.
Noong Linggo naman, dumating mula Kentucky, USA ang mga taga-Keeneland Associates, sina director of sales Geoffrey Russell at marketing director Chauncey Morris. Mayroon din silang sponsored na karera, ang Keeneland Stakes.
Geoffrey Russell is interviewed by commissioner Eduardo Domingo Jr. as Chauncey Morris observes.
Sila mismo ang nagdala ng tropeo, isang sterling silver mint julep cup, replika ng isang disenyo mula taong 1795. Inabot nila ito kay Tony Tan, may-ari ng kabayong Shining Fame na siyang nanalo ng malayo sa naturang karera.
Ang mint julep ay isang alcoholic na inumin, tradisyonal na inihahanda sa southern US states tulad ng Kentucky. Ito ay gawa sa alak na bourbon, tubig, asukal, at mint leaves. Mula 1938, ito ang “official” drink ng Kentucky Derby.
Pinaghahandaan nila Mr. Russell at Mr. Morris ang kanilang sales sa Nob. 3-17. Sila ang number one sa thoroughbred sales sa mundo, nagbebenta ng kabayo sa 48 bansa. Kabilang sa kanilang mga kliyente ay si Sheikh Mohammed al-Maktoum ng Dubai, isa sa pinakasikat na horseowners at breeders sa mundo.
Sa isang Keeneland sale, maaring umabot ng 11,000 o higit pang kabayo. Kaya kung ang katalogo ng ibang horse sales groups ay isa, dalawa, o tatlong piraso kada sale, ang sa Keeneland ay pito!
Sa dami at bigat ng mga librong ito na malulula kayong basahin, minabuti ng Keeneland na ilagay online ang catalog. Maaring i-search ang nais ninyong mga lahi, at i-print lamang ang mga pahina ng mga gusto ninyo. Sa Miyerkoles, ia-upload na ito sa ww2.keeneland.com. *** (Web: http://jennyo.net)


