KL: Copper Dew, Nagwagi sa Pearl I!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  3 June 2008, Tuesday

Copper Dew, Nagwagi sa Pearl I!

Hindi lang siya matulin, matibay pa!

Iyan ang pinatuyan ni Copper Dew sa kanyang impresibong panalo sa Philracom Pearl I stakes na ginanap sa Santa Ana Park ng Philippine Racing Club (PRC) noong nakaraang Linggo.

Ang orihinal na venue ng karera ay San Lazaro Leisure Park (SLLP). Ngunit noong nagka-aberya ang totalizator ng naturang karerahan, inilipat ang mga karera nito sa Santa Ana Park magmula Huwebes hanggang Linggo (May 29 to June 1).

At dahil din sa paglipat ng venue, mas humaba ng distansiya ng karera – mula sa 1750 meters, naging 1800 meters ito dahil walang 1750-meter chute ang Santa Ana Park.

Kilalang sprinter si Copper Dew, na mas gustong manakbo sa unahan at nagba-banderang tapos kalimitan. Katunayan, nakatatlong panalo siya na wire-to-wire bago siya sumabak sa Pearl I.

Bagamat naka-cuadra siya sa SLLP, napapansin na mas magaling si Copper Dew sa Santa Ana. Dito niya giniba ang time record para sa milya noong 1 December 2007, sa oras niyang 1:38.

Kaya noong kumalat ang balita na sa Santa Ana na ang Pearl, lalong idiniin ng ilang analysts na si Copper Dew ang may pinakamalaking chansa na manalo.

“Iba ‘yan pag naka-solo aire,” sabi ni Batikang Tipster. “Lalo pag di nilucha iyan.” Kung titingnan nga naman ang lineup, walang kasing tulin niya, puro mga stayers ang kalaban.

Iyon na nga ang nangyari. Pag lundag ng onseng kalahok mula sa aparato, kinuha na ni Copper Dew ang unahan at diretso na siya sa meta. Tapos ang kuwento. Sa likuran, apat na kabayo pa ang layo niya kay Sweet Xarah. Sa rekta nalang siya nagpakita ng pagod, noong napakalakas na ng dating nila Traditional at Fierce Fighter sa labas. Ngunit mayroon pang reserba ang imported na kabayo at nanalo pa ito ng one length, at umoras ng 1:53.6.

Ayon kay PRC Racing Manager Dan Valmonte, very successful ang event at naka-P39 million plus pa in sales for the day.

Congratulations sa connections ni Copper Dew: owner Jose Mari Franco, trainer Ruben Clor, at jockey Unoh Hernandez.

Copperdew_pearl_connections

Horseowner Jose Mari Franco, Copper Dew, trainer Ruben Clor, jockey Jonathan Hernandez

Samantala, kaunting linaw doon sa paglipat ng karera. Marami ang nagtatanong kung ang katatapos na karerang May 29 to June 1 ba ay nakakarga sa MJC (original venue) o sa PRC (substitute venue)?

Ayon kay MJC Handicapper Neonito “Nitoy” Gonda, nagpa-declare sila ng hanggang Huwebes. Ngunit noong naglabas ng directive ang Philracom tungkol sa change-of-venue noong Miyerkoles, ang PRC na ang nag-handicapping mula Huwebes, ayon kay Mr. Valmonte. PRC na ang nag-take-charge ng declarations at bolahan. Marami kasing taga-SLLP na ayaw nang magtakbo noong malaman na lilipat ang karera (ayaw na nilang i-byahe pa sa trailer pa ang kanilang kabayo). Sa PRC din nagmula ang mga ipinambili sa trophies, suweldo ng mga raceday employees, etc.

Inilinaw ni Philracom chairman Atty. Jose Ferdinand M. Rojas II na ang apat na raceday na inilipat ay sa MJC pa rin magre-reflect, in terms of sales and races held. “There was only a transfer of venue,” ani Chairman Rojas. “Those were MJC races but done at PRC, with a lock, stock, and barrel-type of arrangement worked out by the management of both clubs.”

Next question: may karera na kaya uli pagbalik sa SLLP? “Yes, we will have races (next) Tuesday,” pahayag ni R/Adm. Juan A de Leon, MJC vice-president for Racing.

Bagay na walang (direktang) kinalaman sa racing: habang sinusulat ko itong kolum sa aming lugar sa likod ng Santa Ana Park, naririnig ko ang mga sigaw na “Action!” mula sa labas ng pintuan. Taping pala ng eksena para sa teleseryeng “Ligaw na Bulaklak” ng ABS-CBN Network. Mukhang hilahod na sa init ang aktor na si Cid Lucero, kahahabol dun sa extrang gumaganap na magnanakaw, kaya nagpa-sub siya sa isang double…

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.