KL: Paalam, “Eagle”!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  17 June 2008, Tuesday

Paalam, “Eagle”!

Isa siya sa pinakasikat na hinete noong dekada ’70 at ’80. Kabilang siya ng trio ng hineteng binansagang “Tito, Vic, and Joey” tulad ng tatlong komedyante dahil sila ang pinakatanyag noong mga panahong iyon, mga bata pa at guwapo, hinahangaan ng mga karerista. Walang bahid ng mancha ang kanyang reputasyon, at nirespeto siya bilang tunay na “gentleman”, isa sa pinakasimple ngunit pinakamahalagang parangal na maibibigay sa mundo ng karera.

Siya si Elpidio “Bobot” S. Aguila, na pumanaw noong umaga ng Linggo, Hunyo 15, sa kanilang tahanan sa Paranaque, sa edad na 49.

Anak ng dating hinete na si Jockey Isaac, nag-aral si Bobot ng college level sa Mapua Institute of Technology ngunit iniwan niya rin ang akademiya upang pasukin ang larangan ng paghihinete noong circa 1975.

Nakita agad ng mga horseowners at trainers ang kanyang angking galing sa pananakay at naging isa siya sa mga star jockeys ng mga panahong iyon, kasama ang mga kapwa sikat na sila Eduardo “Boboc” C. Domingo Jr. at Jesus “Bong” C. Guce. Naging magkaibigan sila at laging magkasama sa mga lakaran, kaya sila binansagan na “Tito, Vic, and Joey”. Minsan si Bobot ay tinatawag rin na “Eagle”, mula sa kanyang apelyido.

Sa kanyang professional career, nanalo si Bobot ng dalawang PCSO Presidential Gold Cup races. Ang una ay kay Skywalker noong 1983 at ang sunod ay pagkaraan ng sampung taon kay Fair Start. Marami rin siyang naipanalong Triple Crown races at iba pang stakes races.

Ayon kay Shirley Jaime ng New Philippine Jockeys’ Association, si Eagle ay naging NPJA vice-president noong 2000 hanggang 2002. Nahalal uli siya bilang direktor noong 2003, at naging corporate secretary noong 2004 hanggang 2005.

Noong Pebrero 2006 pumunta si Bobot ng Canada at nagtrabaho doon bilang exercise rider kasama si AB “Itot” Guce, kapatid nila jockeys Lyndon at Ramon Guce. Na-injure si Bobot doon, at bumalik siya sa Pilipinas. Sumakay uli siya dito at noong Setyembre 2006, sa isang karera sa Santa Ana Park, nahulog siya sa at nakapagtamo ng mga severe injuries na naglagay sa kanya sa isang coma. Hindi na siya nagising o nagkaroon ng malay mula noon.

Memories: “Eagle” talaga ang totem animal ni Bobot dahil ang wallpaper niya sa celfone, at least noong nakita ko ito, ay litrato ng agila.

Huli kong nakita si Eagle noong birthday party ni Shirley noong July 2006. Ito’y simpleng salu-salo sa tanggapan ng NPJA. Nagluto si Bobot mismo ng sauce para sa lumpiang shanghai at ayaw niyang ibigay sa amin ang recipe o kahit ingredients man lang kahit naipangako niya ito kay Shirley; “secret” daw iyon. Nagdala pa siya ng cake. Masaya siya noon, panay ang patawa, umiinom ng Franzia red wine mula sa carton nito.

Halos maiyak si Shirley kapag pinag-uusapan si “Cabo”, isa pang nickname ni Bobot. “Makulit siya,” sabi ni Shirley, “mabait, palabiro, prangka. Hindi siya approachable sa iba, kaya akala nila suplado siya, pero tahimik lang siya. Ang katunayan ay napakabuti niyang kaibigan lalo sa mga close sa kanya.” 

Ayon naman kay trainer Bogie Fernandez, si Bobot raw ay “mabait, straight kausap, at galante sa mga helpers.” Ani ng isang taga-Philracom, “Malinis ang record niya, halos hindi siya nasususpinde, at hindi siya nasasangkot sa gulo.”

Nakikiramay kami sa pamilya ni Bobot – sa kanyang butihing maybahay na si Evelyn, mga anak – Keith, Whalene, at Chezka – at kanyang apo. Nakaburol ang labi ni Bobot sa Funeraria Paz, Manila Memorial Park, sa Paranaque.

Malinis na pangalan, tanyag na accomplishment bilang atleta, magandang record bilang direktor ng NPJA,  alaala bilang mabuting padre de pamilya at kaibigan – iyan ang mga iniwan ni jockey Elpidio S. Aguila.

Lipad na, Eagle, patungong langit, sa yakap ng Diyos. Kahit wala ka na sa mundo, lagi kang mabubuhay sa aming puso at alaala. ***

Related stories:

Comments are closed.