KL: Gran Copa de Manila: Ibalik!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  27 June 2008, Friday

Gran Copa de Manila: Ibalik!

 Teka, anong petsa na ngayon? June 27? Parang mayroong kulang sa karera sa buwan na ito… ano nga ba ‘yon?

Ay, Gran Copa de Manila pala!

Nagtataka ang mga old-timers kung bakit hindi itinanghal ng Manila Jockey Club noong 2007 at 2008 ang pinaka-antigong taunang tradisyon nila na pakarera, ang Gran Copa de Manila. Dati ginaganap ito kada June 24, Araw ng Maynila, bilang bahagi ng mga pagdiwang ng pagkakatatag ng lungsod.

Paano ba nagsimula ito?

Upang ipagdiwang ang  pagtigil ng rebolusyon laban sa Kastila, pagkaraan ng pirmahan ng kasunduan sa Biak na Bato noong 1897, nag-piyesta ang lungsod ng Maynila ng isang buong buwan – Enero 1898 – na may karera ng bangka, paputok, dula, at iba pang libangan.

Ang MJC naman ay nakaisip na magpakarera at binansagan nila itong Gran Copa de Manila, na itinakda nila ng Mayo 1 ng taong iyon. Nagpagawa sila sa Hong Kong ng napagandang kopa o tropeo na gawa sa pilak, 22 inches ang laki, na may dekorasyon na ulo ng kabayo at iba pang palamuti.

Gran_copa

Horses’ heads, the Roman goddess Justitia, and winners’ plaques adorn the replica Gran Copa de Manila

Ngunit sa kasawiang-palad, sa araw mismo ng karera, pumutok ang Spanish-American War. Nagsara ang MJC at pinadala nila ang tropeo sa vault ng Hong Kong and Shanghai Bank.

Isinauli ng bangko ang tropeo sa MJC noong 1937. Noong panahon ng Ikalawang Digmaan, 1941, itinago ng isang opisyal ng MJC, si Dr. Salustiano Herrera, ang kopa at ibinalik ito sa MJC noong peacetime na.

Ayon sa kuwento, hindi nai-award ang orihinal na Gran Copa, at nawala ito ng tuluyan sa isang sunog noong 1971 sa dating San Lazaro Hippodrome ng MJC sa Tayuman, Manila. (Ang naka-display ngayon sa SLLP ay replica nalang.)

Noong panahon ni Manila Mayor Ramon D. Bagatsing, mga early 1970s, ibinalik niya ang tradisyon ng Gran Copa de Manila at mula noon ay itinanghal ito taun-taon sa Hippodrome sa loob ng higit tatlong dekada.

Ito ay sinuportahan ng San Miguel Corporation at tinawag ang karera na “San Miguel Beer- Gran Copa de Manila”. Ayon kay Aussie racecaller Peter Morrison, na narito noong mga panahong iyon, ang Gran Copa raw ay ang pinakasikat na event ng MJC na nagbabasag ng mga sales at attendance records.

Noong mid-1990s, ibinenta ng pamilya Prieto ang MJC sa pamilya Reyno at iba pang mga stockholders. Nilipat ang MJC sa bagong pista sa Carmona – ang San Lazaro Leisure Park – noon 1 April 2003.

Itinuloy pa rin doon ang Gran Copa,  at ang huling pagtatanghal nito ay noong 26 June 2006. Ang winner ay si Real Spicy, segundo si Ever Mine Now, at tercero si La Tienne. Dahil wala na ring corporate sponsor noon, medyo mababa nga ang premyo, at natuluyan nang nawala ito nang sumunod na dalawang taon.

Sana maibalik ang tradisyon na ito. Sayang, dahil napakalawig ng kasaysayan ng karerang ito para maputol lang.

Karera lang!  ***

Related stories:

Comments are closed.