KL: Happy Birthday, Bitoy!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  3 July 2008, Thursday

Happy Birthday, Bitoy!

Maligayang bati kay Mr. Rolando “Bitoy” Lansangan sa kanyang kaarawan bukas! Isang pamilyar na mukha sa karera, siya ang  Chief ng Field Inspection Division (FID) ng Philippine Racing Commission at isang haligi ng karera sa larangan ng enforcement of rules and regulations.

Nagsimula ang kanyang career sa karera noong grade 5 pa siya, naghahatid ng pagkain sa stewards sa lumang San Lazaro Hippodrome. Sariwa pa ang mga alaala ni Bitoy ng mga panahong iyon. “Bawal ang bata sa karera. Pero may puwesto ang pamilya namin doon kaya nakakapasok ako at umaakyat pa sa stewards’ stand. Kahit sinisita ako ng guard.”

Nagtapos siya ng kursong Accounting sa University of East noong 1987. Pagka-graduate niya, nag-trabaho siya ng part-time racing day employee sa Manila Jockey Club  bilang judges’ clerk, tapos stewards’ clerk. “Malaking bagay sa trabaho ko,” ani Bitoy, “ang pagiging accountant ko. Ang galing ko tuloy magbilang – ng poste!”

Pagkaraan ng ilang taon, lumipat siya sa Philracom upang mag-full-time sa FID at doon na siya nagtagal hanggang ngayon – 18 years na.

Sa edad na 28 years old, pinakasalan niya si Liza Lansangan na taga-Philracom rin at sila ay may tatlong anak sa kasalukuyan.

Noong si Bitoy ay nasa field pa, “terror” daw siya ng mga hinete at trainer. Mahigpit ang bantay niya lalo sa mga weights at gamit. Noong early ‘90s, nahuli niya ang dalawang hinete na gumamit ng estribong yari sa plastic para makuha ang timbang. “Naghiraman kasi sila,” aniya. “Ang ginagawa nila, ang plastic na estribo ang dala sa weigh-out. Pero bakal ang gagamitin sa laban. Improvised talaga iyong plastic, kulay silver pa nga. Kaso napitik ko. Hindi tunog bakal, magaan pa. E di huli sila!”

Isang beses naman, upang makabawas ng timbang, hinubad ng isang matandang hinete ang kanyang brief. Puede ba iyon, walang pan-ilalim sa pan de montar? “E wala naman sa rules na kailangan mag-brief pag sumasakay, e!” sagot ni Bitoy.

Bitoy

Philracom’s Rolando “Bitoy” Lansangan. (photo courtesy of Rhed Sarmiento)

“Nakakatawa pag sa jockey’s quarters ako na-destino,” dagdag niya. “Puno lagi ang steam bath dahil alam ng mga hinete na mahigpit ako sa timbang!”

Dahil rotation ang trabaho sa field, minsan na-assign siya sa outpost noong sa lumang San Lazaro pa. Nakikita niya ang mga trainer na nag-o-orden sa likod ng starting gate. “Bawal iyon, kaya ang dami ring nasuspindi noon,” kuwento niya.

Dahil sa selan ng kanyang trabaho, iniiwasan niya ang magkaroon ng kumpareng jockey. “Mahirap manatiling objective pag close kayo,” ani Bitoy. Marami bang nagyayaya sa kanyang mag-ninong? “Wala nga e, kasi galit sila sa akin dahil sinususpindi ko sila!”

Ngunit nakalipas na ang mga araw na iyon, at ngayon, bilang hepe ng kanyang department, iba na ang mga naka-assign sa field at kanya naman ang responsibilidad ng pagsubaybay ng mga handicapping activities at ang mga paglabag ng racing rules and regulations.

Palabiro, palatawa, masayahing tao, ngunit seryoso pagdating sa karera. Muli, advanced happy birthday, kaibigang Bitoy! More power to you!

Kaarawan lang! ***

ERRATUM: Si Mr. Lansangan ay OIC-Handicapping sa ilalim ng LIcensing Division na pinamumunuan ni Dr. Jojo Cambay, DVM; ang Chief-FID ay si Dr. Peter Rojas, DVM. Sorry po, Doc Peter!

Related stories:

Comments are closed.