KL: Wanna Change sa PCSO Trial

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 2 April 2011, Saturday

Wanna Change sa PCSO Trial

Dinaanang parang bagyo ni Wanna Change ang kalaban nung Marso 29 trial ng Philippine Charity Sweepstakes Office Special Maiden Race.

Ang trial race ay ginanap sa Santa Ana Park, at doon din idadaos ang mismong laban sa Abril 17 sa distansiyang 1,200 meters.

Si Wanna Change ay kabayo ni Tarlac congressman Jeci Lapus at ginabayan ni jockey Rey-ann Camañero. Umoras ito ng 1:18 sa 1,200 meters. Sumegundo si Gold Field ni Rosenda Ann Ocampo, tersero si Beau Erin ni Honorato Neri, at cuarto si Sparkler ni Augusto Benedicto “Ochie” Santos. Quinto si Sunshine ni Andre Angelo Santos at bugaw o panghuli sa lahat si Aduana ni Herminio Esguerra.

Kadalasan ang nagiging basehan ng mga mananaya sa araw ng karera ay ang resulta ng trial, ngunit tandaan na ang trial race ay “compliance” rule ng PCSO at kailangang lamang lagpasan ito ng mga entries.

Hindi pinupuwersa ang mga kalahok sa trial upang mapanatili ang kanilang kundisyon at upang bawasan ang chansa na masugatan o mamilay ang kabayo.

Ngunit base na rin sa ipinakita niya sa trial, malaki ang chansa ni Wanna Change na manalo sa araw ng laban.

***

Inaabangan naman ng Bayang Karerista ang Philippine Racing Commission Diamond I Stakes race bukas, Abril 3, sa Santa Ana Park. Ito ay ang third leg ng Imported/Local Challenge series.

Maglalaban sa distansiyang 1,800 meters sina Botbo, Fierce Fighter, coupled entries Indy Hay at Juggling Act, Mooney Money, at Yes Pogi.

Heto ang choices ni veteran jockey Joey Macaraig: ”Matured sa laban si Juggling Act at distansiya niya ito, kaso ang peso niya ay 57 kilos, kaya panegundo ko siya; may ka-couple pa siyang Indy Hay.  Ang third choice ko ang Mooney Money dahil magaling siyang magpa-remate. Pero tailor-made ang karerang ito para kay Yes Pogi, na siyang pam-primero ko.”

Para sa akin, di na pinag-iisipan ang karerang ito – Yes Pogi na, all the way!

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.