KL: Racing Taxes Bill

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 16 April 2011, Saturday

Racing Taxes Bill

Halos dalawang taon na ang nakaraan mula noong pumasa sa Lower House ng Kongreso ang House Bill 4176: “An Act Rationalizing the Taxes on Horseracing”.

Mayo 2009 noong ito’y inihain ni Palawan congressman Abraham Mitra sa mga kumite ng Ways and Means at Games and Amusements ng 14th Congress.

Kasama rin dito bilang mga “author” ng racing taxes bill ay sina Cong. Amado Bagatsing (Manila) at Cong. Jeci Lapus (Tarlac). Silang dalawa rin ang co-authors ng HB 224, “Racing Authority Bill”, na ating itinalakay sa kolum na ito noong nakaraang Martes.

Ang sadya ng racing taxes bill ay ang pababain ang buwis sa taya sa karera upang maging mas malusog ang laro ng horseracing. Kung mas mababa ang buwis, mas malaki ang dibidendo sa mananaya at mas marami ang tataya rito; lalakas ang benta ng racing clubs, wala nang tataya sa bookies, at tataas rin ang matatanggap na buwis ng gobyerno. Kaya everybody happy pag naipasa ang bill na ito.

Ang karerang Pilipino ay isa sa dumaranas ng pinakamabigat na pagpataw ng buwis sa mundo – halos 35%.

Sa racing taxes bill, pabababain sa 4% mula sa kasalukuyang 10% ang tax on winnings, at 5% mula sa 10% documentary stamp tax, sa mga exotic bets tulad ng Winner Take All, Pick 6, Pick 5, superfecta, super six, pentafecta, quartet, at triple trifecta.

Sa madaling salita, magiging pareho lang ang buwis na nakapataw sa exotic bets sa buwis ngayon sa special bets – daily double, forecast, double quinella, trifecta, daily double plus one, extra double, at win.

Lumalakas ang benta ng karera tuwing binababa ang buwis, tulad noong 1988. Kapag naman tinataas ang buwis, humihina ang benta, tulad ng nangyari noong 1984 at 1993.

Bagamat pumasa sa mababang kapulungan ang batas na ito noong 2009, iyon ung panahon na nagsara na ang 14th Congress dahil sa eleksiyon ng 2010. Kaya hindi ito naihain sa Senado – dahil sa kakulangan ng oras.

Ngayong 15th Congress na, simula uli ang proseso sa umpisa.

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.