KL: Philippine Racing Authority?

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 12 April 2011, Tuesday

Philippine Racing Authority?

Hindi po ito bagong panukala kundi lumang-luma na.

Nagkaroon ng hearing muli tungkol sa batas na ito noong isang buwan sa Kongreso. Ang may-akda ng batas na ito noon pa – ang House Bill 224, “An Act Creating The Philippine ThoroughbredHorseracing Authority” – ay si Cong. Amado S. Bagatsing, kilalang horseowner sa kasalukuyan tulad rin ng kanyang ama, ang yumaong mayor ng Maynila na si Ramon D. Bagatsing Sr.

Nakailang pasada rin sa technical working group ng Kongreso ang racing authority bill. At noong panahong iyon, na patapos na ang 14th Congress, ay inasikaso muna ang racing taxes bill na tungkol sa pagpapababa ng buwis sa mga taya sa karera.

Si Cong. Amado rin ang nagpasimuno bagamat ang principal author ng racing taxes bill noon ay si Cong. Abraham Mitra, anak rin ng horseowner, ang pumanaw na si Speaker Ramon V. Mitra Jr.

Pumasa naman ang racing taxes bill sa Lower House noong taong iyon – 2009 – ngunit nagsara na ang Kongreso noong time na iyon dahil sa paghahanda para sa eleksiyon ng 2010 kaya hindi na naihain ang bill na ito sa Senado. Kaya balik muli sa umpisa ng proseso ang racing taxes bill. Ngayong 15th Congress na, isinusulong muli ni Cong. Amado ang parehong bill na ito.

Ang Racing Authority ay ang Philippine Racing Commission pa rin, sa ibang pangalan at anyo, ngunit pinatibay at pinalakas upang mas matugunan nito ang mga problema tulad ng krisis pang-ekonomiya na makakaapekto sa sales.

Magiging parang GOCC (government owned- and –controlled corporation) na ang ahensiya; at sana, gaya ng mga GOCC tulad ng PAGCOR, ay makakakilos na ang gobyerno para sa ikabubuti at ikauunlad ng industriya.

Mabubuhay muli ang National Stud Farm, kung saan makakapagpakasta ang mga may-ari ng kabayo sa mga istalyon sa murang halaga.

Mas mabilis nang lalabas ang mga premyo ng horseowner, trainer, at jockey dahil ang pondo ay manggagaling na mismo sa Authority at di na kailangang hintayin pang lumabas mula sa Department of Budget and Management tulad ng kasalukuyang matagal na proseso.

Sa susunod, ang racing taxes bill naman ang ating tatalakayin.

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.