KL: Sino sa Triple Crown?

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 26 April 2011, Tuesday

Sino sa Triple Crown?

Nakakalokang isipin ang Triple Crown championships ngayon taon, dahil walang lumilitaw na clear contender para sa trono ng mga angat na 3YO.

Ang first leg ng three-leg series ng Philippine Racing Commission ay gaganapin sa Mayo 15 sa San Lazaro Leisure Park sa distansiyang milya. Ang kampeonatong ito ay bukas sa mga local-born 3YO. P3 million ang nakalaang premyo para sa 1st hanggang 4th place. Sa Mayo 14 naman sa SLLP rin ang Hopeful Stakes para sa mga 3YO na di sasali sa Triple Crown.

Kung nagtanungan noong nakaraang buwan, maraming hindi magdadalawang-isip na sumagot ng “Magna Carta” kapag tinanong kung sino ang kanilang kakampihan. Maganda ung una niyang mga panalo, sampung kabayo noong Pebrero 27 sa Philippine Charity Sweepstakes Office Freedom Cup. Tapos nanalo siya ng isang kabayo kay Barkley sa Philracom Chairman’s Cup noong Marso.

Ngunit natalo siya ng ulo lamang sa Diamond III stakes sa Santa Ana Park noong Abril 17 kay Arvindugo.

Kaya nag-aalala ngayon ang mga racing fans – wala na ba sa kundisyon ang pambato ng Royal Maverick Ranch?

Binibigyan ngayon ng pansin ang ibang mga 3YO colts tulad nina Arvindugo, The Rock at Dear John, na dumating ng tersero at cuarto sa Diamond III, at fillies na sina Cheese Mosa na nanalo ng Diamond II, at sina Prime Rate at Constatic na sumegundo at tersero. Nariyan din ang nanalo sa PCSO Special Maiden Race na si Wanna Change at ang sumegundo sa kanyang si Gold Field.

Ngunit ayon kina jockey Joey Macaraig at trainer Arnel la Rosa, kay Magna Carta pa rin sila.

Joey: “Nag-off lang siya dahil sunog sa sunod-sunod na laban. Pero kung ipahinga na siya mula ngayon hanggang araw ng Triple Crown, at bigyan nalang ng mga trangko na ¾ o ½, ay babalik ang kanyang dating kundisyon.”

Arnel: “Magna Carta pa rin, dahil menos siya sa Santa Ana, kaya di nakakapagtakang natalo siya sa Diamond III. Dahil ang first leg ng Triple Crown ay nasa San Lazaro, tingin ko siya pa rin ang horse to beat.”

Kayo po, kanino sa Triple Crown?

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.