KL: Hari ng Yambo, Hari ng 1st Leg TC!

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 17 May 2011, Saturday

Hari ng Yambo, Hari ng 1st leg TC!

Isang dehadong kabayo ang nanaig sa Philippine Racing Commission 1st leg Triple Crown seriesnoong nakaraang Linggo sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.

Nilampaso ng kuwarto-llamadong Hari ng Yambo ang lima pang kalahok, kasama na ang llamadong siMagna Carta na inasahan ng karamihan. (Na-scratched si Bosbarawana.)

Pag bukas ng aparato, kinuha agad ni Rodeo Fernandez, hinete ni Hari ng Yambo, ang unahan, at hindi na ito binitiwan hanggang makarating sa meta ng anim na kabayo pa ang layo sa sumegundong Magna Carta. Tersero si The Rock, at kuwarto si Barkley.

Malapit na ring basagin ni Hari ng Yambo ang record time na 1:38 para sa milya na ginawa ni Copper Dew noon pang 2007. Umoras si Hari ng Yambo ng 1:39, sa kuwartos na 24’-23-25-26’, isang napaka-impresibong performance. Tingin ko kaya niyang sirain ang record noon, ngunit hindi nalang ito ipinuwersa sa rekta dahil malayo na sila sa kalaban at para huwag ilagay sa panganib ang kalagayan ng kabayo.

Naipanhik ni Hari ng Yambo ang P1.8 million first prize sa kanyang may-ari, Manny Santos. Siyempre tuwang-tuwa ang kanyang trainer, Mark Tupas, sa itinakbo ng kanyang alaga.

Tingin ko alam na natin kung sino ang magya-llamado sa 2nd leg ng Triple Crown sa Hunyo 11 sa  SLLP uli.

* * * * * *

Ang nanalo naman ng Philracom 1st leg Hopeful Stakes noong Sabado ay dehado rin. Tinalo ni Constatic ang san-dosenang kalahok pati na ang llamadong Cheese Mosa, na sumegundo lang sa kanya.

Ang kinalabasan ng laban na nito ay pareho lang sa Triple Crown – second place lang ang favorite. Terserong dumating si Tensile Strength, pang-apat si Whistler.

Dalawang kabayo pa nanalo si Constatic, sa pag-gabay ni Louie Balboa. Si Ronaldo Tan ang may-ari at si Joel Mijares ang trainer. Ang kuwartos ay 25’-24-25’-26’, total time 1:41.4, na pangkaraniwan o average na tiyempo para sa milya.

*****

Ang susunod na malaking karera ay ang Philippine Charity Sweepstakes Office 16th Silver Cup sa darating na Linggo, Mayo 22, Santa Ana Park. Abangan!

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

1 Comment on KL: Hari ng Yambo, Hari ng 1st Leg TC!

  1. Enitsuj
    5 July 2011 at 4:53 am (3288 days ago)

    d na po ba tatakbo ulit si Ibarra?