KL: Mga Tunay na Kampeon!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  8 July 2008, Tuesday

Mga Tunay na Kampeon!

Naglabasan nitong katatapos na weekend sa Santa Ana Park ang mga tunay na magagaling na kabayo sa bansa. Dito nagkahiwa-hiwalay ang ang fake sa tunay, ang  “wannabe” sa “already am”, ang pulpol sa kampeon.

Sa loob ng apat na stakes races sponsored ng Philippine Racing Commission – Pearl II noong Biernes, 2YO Stakes noong Sabado, at Triple Crown second leg at Hopeful II noong Linggo – naipamalas ng mga kabayong “best of the best” ang kanilang kakayahan.

Pinatunayan ni Don Enrico sa Triple Crown second leg ang kanyang angking galing. Wala na sigurong hihirit pa kung sabihin nating siya ang pinaka-talentadong 3YO colt sa kasalukuyang batch dahil tinalo niya ng banderang tapos ang mga kalaban. Three lengths pa ang layo niya sa sumegundong si Indelible Ink.

Malaking bagay ang pagkabalik ng may-ari ni Don Enrico ng renda nito kay John Alvin Guce. Simula’t sapul, noong novato pa si Don Enrico, si John Alvin na ang katuwang niyan. Kaya’t dismayado ang Bayang Karerista noong inilipat si Don Enrico kay Jonathan Hernandez noong first leg. Hindi nagtagumpay ang pagsasamang iyon at pinatuyan ni John Alvin noong Linggo na siya ang pinakabagay na hinete para kay Don Enrico.

Ang pagka-scratch kay Queen Elena na inaasahang magsilbing “rabbit” para kay Indelible Ink ay nakatulong din dahil walang matulin na nakakapit kay Don Enrico upang makipagluchahan. Kaya nakabuo ng aire si kabayo. Banderang tapos pa siya na “pulling away” sa rekta. At least naging patas ang laban, walang kune-kuneho!

Umoras si Don Enrico ng 1:52.6, isang segundo lang ang diperensiya sa record ni Irene’s Fantasy na 1:51.6 para sa distansiyang 1800 meters.

Makakalaban kaya ni Don Enrico sa Triple Crown third leg sa August 3 ang nanalo ng Hopeful 2 stakes, si Hieroglyphics? Impresibo ang pinakitang paremate ni Hieroglyphics. Hinayaan niyang mag-ubusan sa unahan ang mga frontrunners na sina Sauvignon, Capretiosa, at iba pa. Noong buong tulin siyang humabol sa far turn, wala nang maibuga pa ang mga kalaban.

Masaya si Mr. Raymund Puyat, may-ari ni Hieroglyphics. Bagamat mali ang pagkabanggit  ni racecaller Peter Morrison sa kabayo niya – “Physiotherapy” daw – di bale na raw basta panalo siya.

“Di ko alam kung anong karera ang tinatawag ni Peter,” ani Mr. Puyat, “natutuwa lang ako na ang kabayo ko ang nauna sa finish line!” Dinagdag niya rin na dapat bigyan ng pansin ang magandang performance ni jockey CB Tamano. “Sinunod niya pa rin ang game plan namin kahit naipit siya sa may tres-cuartos.”

Itatakbo ba nila si Hieroglyphics sa Triple Crown third leg? “Kung maayos ang mga ensayo niya sa susunod na mga araw,” ani Mr. Puyat, “maaring isali ko siya.”

Samantala, nanalo ang filly na si French Vanilla sa 2YO Stakes second leg noong Sabado. Na-scratch ang kanyang stablemate na si Go Army noong umaga ng raceday dahil sa karamdamang sobrecaña (sore shin).

Si Go Army, ang nanalo ng 2YO Stakes first leg, ang inaasahang magdodomina ng second leg. Naging “anybody’s race” noong nawala siya at nakapagpakita ng buti si French Vanilla. Subaybayan ang kanyang mga darating na takbo!

Sa Pearl II naman, sabi na nga ba na si Showtime Lady ang mananalo, base na rin sa kanyang impresibong past performances. “Age doesn’t matter” ang ipinamalas ng veteran racemare, na sa edad na pitong taon ay nananalo pa ng stakes races!

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.