KL: PCSO Special Maiden Race

KARERA LANG!   by Jenny Ortuoste for Bandera,  25 June 2011, Saturday

PCSO Special Maiden Race

Hindi na matutuloy ang Philippine Charity Sweepstakes Office Special Race na nakatakda ng Hulyo 17 sa Santa Ana Park.

Kaunti lamang ang mga kabayo ang unang nagpalista para sa karera, kaya nagpa-substitute group ang mga handicappers ng Philippine Racing Club at ang PCSO upang maka-engganyo ng iba pang sasali.

Ngunit noong kamakailan, nag-anunsiyo ang PCSO Draw and Races department na dahil sa kakaunti lamang ang nagpa-deklara, kakanselahin na ang karera at ililipat nalang ito ng araw, sa Disyembre 4 sa Santa Ana Park pa rin.

Sayang naman na hindi nabuo ang karerang ito. Isipin nalang natin na ang paglipat ng schedule ng karera ay makakapag-bigay ng pagkakataon sa ibang kabayo na maaring maihanda ng kanilang trainer sa mga darating na buwan.

* * * *  *

Patuloy pa rin ang pagbuhos ng matinding ulan sa Maynila kahapon, Hunyo 24, ang ika-440 Araw ng Maynila. Naalala ko tuloy ang napakasayang mga karerang idinadaos sa San Lazaro Hippodrome sa Tayuman dati kapag Araw ng Maynila, at ang pinaka-tampok dito ay ang Gran Copa de Manila.

Ito ay unang itinakda ng Manila Jockey Club noong 1896. Umorder pa galing Hong Kong ng napakagarang tropeo, malaki, mabigat, at gawa sa pilak, ngunit sa kasamaang-palad hindi natuloy ang karera dahil sumiklab na ang Spanish-American War noong panahong iyon.

Itinabi ng MJC ang tropeo, ngunit nawasak din ito noong 1970s sa isang sunog. Noong mayor ng Maynila ang yumaong Ramon Bagatsing Sr., minabuti niyang buhayin ang karerang ito at ang Gran Copa ang naging highlight race kada taon sa San Lazaro.

Sayang nalang na hindi pinagpatuloy ng MJC ang tradisyong ito noong inilipat nila ang karerahan sa Carmona.

Para sa mga kareristang old-timer, ang Gran Copa ay isang magandang alaala nalang ng nakaraang ‘glory days’ ng karera.   ***

Related stories:

Comments are closed.