KL: Kasaysayan ng Gran Copa de Manila

KARERA LANG!   by Jenny Ortuoste for Bandera,  28 June 2011, Tuesday

Kasaysayan ng Gran Copa de Manila

Nabanggit ko sa kolum na ito noong nakaraang Sabado ang Gran Copa de Manila, taunang karera na idinadaos sa dating San Lazaro Hippodrome nasa Tayuman tuwing Araw ng Manila (Hunyo 24).

May mga mambabasang humingi ng karagdagang impormasyon tungkol sa tanyag na karerang iyon. Itong mga sumusunod na talata ay hango sa isang kolum na isinulat ko noong 2008 para sa yumaong diyaryong Tumbok:

“Upang ipagdiwang ang  pagtigil ng rebolusyon laban sa Kastila, pagkaraan ng pirmahan ng kasunduan sa Biak na Bato noong 1897, nag-piyesta ang lungsod ng Maynila ng isang buong buwan – Enero 1898 – tampok ang karera ng bangka, paputok, dula, at iba pang libangan.

“Ang Manila Jockey Club naman ay nakaisip na magpakarera at binansagan nila itong Gran Copa de Manila, na itinakda nila ng Mayo 1 ng taong iyon. Nagpagawa sila sa Hong Kong ng napagandang kopa o tropeo na gawa sa pilak, 22 inches ang laki, na may dekorasyon na ulo ng kabayo at iba pang palamuti.

“Ngunit sa araw mismo ng karera pumutok ang Spanish-American War. Nagsara ang MJC at pinadala nila ang tropeo sa vault ng Hong Kong and Shanghai Bank.

Isinauli ng bangko ang tropeo sa MJC noong 1937. Noong panahon naman ng Ikalawang Digmaan, 1941, itinago ng isang opisyal ng MJC, si Dr. Salustiano Herrera, ang kopa at ibinalik ito sa MJC noong peacetime na.

“Hindi naigawad ang orihinal na Gran Copa, at nawala ito ng tuluyan sa isang sunog noong 1971 sa dating San Lazaro Hippodrome ng MJC sa Tayuman, Manila. (Ang naka-display ngayon sa SLLP ay replika nalang.)

“Noong panahon ni Manila Mayor Ramon D. Bagatsing, mga early 1970s, ibinalik niya ang tradisyon ng Gran Copa de Manila at mula noon ay itinanghal ito taun-taon sa Hippodrome sa loob ng higit tatlong dekada.

“Ito ay sinuportahan ng San Miguel Corporation at tinawag ang karera na “San Miguel Beer- Gran Copa de Manila”. Ayon sa Australyanong racecaller na si Peter Morrison, na narito noong mga panahong iyon, ang Gran Copa raw ay ang pinakasikat na event ng MJC na nagbabasag ng mga sales at attendance records.

“Noong mid-1990s, ibinenta ng pamilya Prieto ang MJC sa pamilya Reyno at iba pang mga stockholders. Nilipat ang MJC sa bagong pista sa Carmona – ang San Lazaro Leisure Park – noon 1 April 2003.

“Itinuloy pa rin doon ang Gran Copa,  at ang huling pagtatanghal nito ay noong 26 June 2006. Ang winner ay si Real Spicy, segundo si Ever Mine Now, at tercero si La Tienne. Dahil wala na ring corporate sponsor noon, medyo mababa nga ang premyo, at natuluyan nang nawala ito nang sumunod na dalawang taon.

“Sana maibalik ang tradisyon na ito. Sayang, dahil napakalawig ng kasaysayan ng karerang ito para maputol lang.”

Karera lang – walang personalan! *** 

Related stories:

Comments are closed.