KL: 3rd Racetrack, Malapit Na!

KARERA LANG!  by Jenny Ortuoste for Bandera, 9 July 2011, Saturday

3rd Racetrack, Malapit Na!

Nagpalabas kamakailan ng anunsiyo ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) na nasa unang yugto na ng development ang kanilang racing complex at clubhouse sa loob ng Dolores Industrial Park eco-tourism at leisure area sa Batangas. Ang complex na ito ay sakop ng mga bayan ng Malvar at Tanauan.

Ang Dolores Industrial Park Corporation ay pinangungunahan ng kanilang chairman, horseowner Dr. Norberto Quisumbing Jr. Aniya sa anunsiyo, naniniwala siya at ang kanyang mga kasamang negosyante na ang probinsiya ng Batangas, lalo na ang dalawang naturang bayan, ay may growth at investment opportunities sa tourism at leisure sector na maari pang palaguhin at palakihin.

Ayon naman kay MMTCI executive vice president J. Alexander R. Carandang (na isa ring horseowner), ang complex ay magkakaroon ng magandang grandstand at clubhouse, mga kainan, quarters ng mga hinete at sota, mga opisina, saddling paddocks, cuadra ng mga kabayo, klinik ng mga beterinaryo – in short, lahat ng mga kailangan sa isang state-of-the-art racing facility.

Sa loob ng Metro Turf ay magtatayo rin ng sports complex na may soccer field, baseball field, at 400-meter track-and-field oval para sa mga sports events na gaganapin sa Batangas at karatig lugar.

Ayon kay Atty. Carandang, kinukumpleto nila ang mga permits na kailangan upang masimulan na ang construction sa bandang 3rd quarter ng taong ito.

Ang maganda sa proyektong ito ay magkakaroon ng karagdagang economic opportunities at trabaho para sa mga taga-Batangas, na isa nang “horsey” community dahil naroon sa bandang Lipa ang karamihan ng thoroughbred breeding ranches sa bansa.

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.