KL: Horseowner, Banned sa MJC?

KARERA LANG!   by Jenny Ortuoste for Bandera,  13 August 2011, Saturday

Horseowner, Banned sa MJC?

Pumutok ang balita sa karera kamakailan na pinatawan ng Manila Jockey Club ng “ban” sina horseowner Demi Ching at ang kanyang hineteng si Pipoy Silva pagkaraaan ng pagkatalo ng kabayo ni Mr. Ching na sakay ni Pipoy sa isang karera kung saan ito ang llamado.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakarinig ako na may na-“ban” na isang horseowner.

Ito rin ang unang beses na na-“ban” ang isang hinete na walang suspensiyon.

Karapatan ng racing club na i-“ban” mula sa kanilang lugar ang kahit sinong tao para sa kahit na anong dahilan. Kung ayaw nilang papasukin sa San Lazaro Leisure Park ang isang tao dahil sa tingin nilang di angkop ang kanyang kilos, kasuotan, o kahit mukha, nasa kanila iyon.

Ngunit ang insidenteng kinasangkutan nina Mr. Ching at Mr. Silva ay naganap sa konteksto ng karera. May sariling rules and regulations nga ang mga racing club, ngunit may rules and regulations din ang laro ng karera ng kabayo.

Bakit walang imbestigasyon o suspension sa kaso ni Pipoy, tanong ng ilang kapwa hinete niya? Nag-aalala  rin ang isang grupo ng horseowners sa nangyari sa kaso ni Mr. Ching.

Abangan natin kung may susunod na kabanata ang panibagong kuwentong karerang ito.

* * * * *   

            Samantala, excited na ang pamilya Bagatsing sa kanilang inaasikasong 3rd Mayor Ramon D. Bagatsing Memorial Racing Festival na gaganapin sa SLLP sa Agosto 19, ang birthday ng yumaong mayor at horseowner/breeder. Ang buong araw na iyon ay hitik ng trophy at stakes races, at ang balita ang nakakuha sila ng maraming sponsors.

Good news ito para sa mga sota ng mga mananalong kabayo, na tuwing RDB festival ay binibigyan ng cash award bilang pagbigay-pugay sa kanilang kontribusyon sa karera.

Karera lang – walang personalan!   ***

Related stories:

Comments are closed.