KL: Dehado sa 1st Bandera Cup

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Bandera,  13 September 2011, Tuesday

Dehado sa 1st Bandera Cup

Isang ubod na dehadong kabayo – tersero sa pinakadehado sa lahat – ang kumupo ng unang Inquirer-Bandera Cup noong Linggo sa Santa Ana Park.

Ang di inaasahang Benissimo ni John Joseph Lagasca ang unang tumawid sa meta sa 1,300 metrong distansiyang karera na nilahukan ng siyam pang kabayo.

Unang lumabas sa aparato si Benissimo sa ilalim ni jockey Kelvin Abobo. Kilala ang kabayong ito bilang matulin sa gate at kadalasang nauuna; ngunit inisip ng marami na ang de-remateng Ice Storm, na siyang llamado, ang dadating oras na bumigay na si Benissimo.

Ngunit hindi nakayanan ni Ice Storm ang aire ni Benissimo, na kinukundisyon ni Boy Florentino. Sa home turn, umurong na siya at kinuha ni Windbeneathmywings ang unahan, ngunit rumemate ng buong tapang si Benissimo at nanalo pa ng ¾ kabayo, sa tiyempong 7-22’-23’-26’=1:19.6.

Kasama sa awarding ceremony sina Ms. Imelda Alcantara, vice-president for operations ng Inquirer Publications, Inc. at Mr. Rene R. Reinoso, senior vice-president for sales and marketing ng Philippine Daily Inquirer.

Naroon rin, mula sa Bandera, sina Mr. Lito Bautista, executive editor; Mr. Frederick Nasiad, sports editor ng Bandera; at ang inyong lingkod, bilang horseracing columnist ng Bandera.

Ang sponsor Philippine Racing Commission ay kinatawan ng bagong commissioner, jockey Lyndon B. Guce.

Marami ring taga-Bandera at Inquirer Group na sumama sa Naic, Cavite, upang mapanood ang unang charity race para sa beneficiaries na Inquirer Newsboy Foundation at Bandera Lapis at Papel campaign, na namamahagi ng school supplies sa ilang public schools.

Ayon kay Mr. Nasiad, pinag-lalaruan nila ngayon ang ideya na magkaroon ng Inquirer Racing Festival – isang araw kung saan may tig-isang karera para sa anim na publications sa ilalim ng Inquirer Group.

Nagpapasalamat ang Bandera at Inquirer sa Philracom sa ilalim ni Chairman Angel Castaño Jr., at sa Philippine Racing Club, lalo na kay assistant vice-president at racing manager Dan Valmonte na nagbuhos ang buong suporta ng Santa Ana Park sa pagdaos ng event na ito.

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.