KL: Masaganang Bagong Taon!

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 31 December 2011, Saturday

 Masaganang Bagong Taon!

Masasabing “innovative” ang bagong pamunuan ng Philippine Racing Commission sa ilalim ng pamunuan ni chairman Angel L. Castano Jr. at commissioner/executive director Engr. Jess Cantos.

Mayroon silang na-formulate at sinusundan na roadmap para sa kanilang administrasyon, sa ilalim ng polisiya ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ang pamagat ng Philracom roadmap ay “TRIP” – Transparency, Responsiveness, Innovations and Policy Driven. Bilang bahagi nito, nagpa-medical mission ang Philracom sa San Lazaro Leisure Park racing community noong Dis. 2.

Ayon kay Philracom project coordinator Eric de la Cruz, ang Philacom medical mission ay nagbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga lisensiyado ng Philracom na mga sota, sota helper, magbabakal, ensayador, at ang kanilang mga pamilya.

Ang natulungan ng medical mission ay 302, kung saan ang karamihan ay ang mga sota at helper (124), mga bata at sanggol (92), at maybahay (58).

Ang mga participants sa medical mission ay mga taga-Philracom (19), 12 duktor (dalawa mula sa MJC, isa mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office, dalawa mula sa Philracom, at pitong volunteers), at pitong volunteer nurses.

Para sa transport ng personnel at gamit, nagpahiram ang MJC, Philracom, at Philippine Race Horse Trainers Association ng mga vans.

Ang PCSO naman ay nagpadala ng mobile clinic at ambulance, at nagbigay ng mga gamot.

Ang susunod na Philracom medical mission ay gaganapin sa Santa Ana Park bago mag-Valentine’s Day. Pinaghahandaan ng Komisyon ang pagbigay ng karagdagang serbisyong medical tulad ng dental services (pagbunot ng ngipin), minor surgery (sugat), x-ray, at libreng haircut sa mga lisensiyadong sota at kanilang pamilya.

Magandang balita ito at inaabangan natin ang iba pang proyekto ng Philracom sa ilalim ng TRIP program na makakatulong sa racing community.

Masaganang bagong taon sa lahat, at sana’y lagi nating tangkilikin ang karerang Pilipino! ***

Related stories:

Comments are closed.