KL: Gentle Irony sa Garnet

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 14 January 2012, Saturday

 Gentle Irony sa Garnet

            Nagpakitang-gilas muli ang matuling import na si Gentle Irony sa pagbukas ng stakes race calendar sa Philippine Racing Commission Garnet I noong nakaraang Linggo sa San Lazaro Leisure Park.

Limang kabayo ang naglaban sa milyang distansiya na karerang pinanalunan ng kabayong sakay ni jockey Jonathan Hernandez at pag-aari ni Atty. Narciso Morales. Sumegundo si Indy Hay, tersero si Juggling Act.

Ang Garnet I ay ang unang yugto ng Philracom Imported-Local Challenge series, na noong nakaraang taon ay dinomina nina Gentle Irony at Juggling Act.

Samantala, naging matagumpay ang multi-sectoral meeting noong nakaraang Lunes sa Philracom. Ayon kay Executive Director at commissioner Jess Cantos, napag-usapan ang sumusunod na mga bagay:

“Mas mataas ang sales ng unang raceweek ng karera ngayong taon,” ani Comm. Cantos, “kumpara sa nakaraang taon, at maganda ang senyales nito sa pasok ng 2012. Pinag-usapan rin ang makabagong taktika sa marketing tulad ng pagdaos ng racing festival tuwing ‘payat’ na panahon; ang pagbigay ng suporta ng Komisyon sa mataas na grupo ng kabayo bukod pa sa stakes races, at ang aktibong role ng Phliracom sa racing supervision.”

Isang ehemplo nito, aniya, ay ang paglagay ng CCTV sa kuwarto ng Board of Stewards ng parehong racing clubs upang makita ng bayang karerista ang mismong mga imbestigasyon ng mga tinatawag na hinete.

“Sa ganitong paraan,” ayon kay Comm. Cantos, “magiging mas matibay ang tiwala ng publiko sa karera.”

Isang pagtutuunan rin ng Komisyon ay ang procedures ng handicapping at bolahan.

Lahat ng mga hakbang na ito ay para siguraduhin na mataas ang kalidad at balansiyado ang mga karerang inihahain sa publiko.

Ayon naman kay Philracom chairman Angel L. Castaño Jr., ang multi-sectoral meetings ay gaganapin tuwing Lunes upang laging in touch at nagko-communicate ang lahat ng sektor ng industriya, at nagkakatugma ang mga aksiyon nito na may sang-ayon ng lahat ng sektor.

Karera lang – walang personalan!   ***

Related stories:

Comments are closed.