KL: Garnet Races Atbp.

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 21 January 2012, Saturday

Garnet Races Atbp.

            Pagkaraan ng pagtatanghal ng Philippine Racing Commission Garnet I stakes na pinanalunan ni Gentle Irony, bumulusok naman ang dalawa pang yugto ng pang-Enerong stakes races.

Ang Garnet II at III ay ginanap sa Santa Ana Park sa milyang distansiya. Ang Garnet II, para sa 3YO local-bred fillies, ay itinakbo noong Enero 14 at ang kumopo ng tropeo ay ang matuling Cheese Blanca (Real Top-Sincere) ni Atty. Sixto Esquivias IV. Umoras ito ng 1:42.6. Sumegundo si Etcetera, tercero si Dajorca, at cuarto si Storm Last.

Ang Garnet III naman ay idinaos ng Enero 15. Nanalo si Hagdang Batyo (Quaker Ridge-Fire Down Under) ni Mandaluyong City mayor Benhur Abalos, na siya ring breeder ng naturang kabayo.

Si Hagdang Bato ang kampeon ng Philracom-MARHO Juvenile Colts championship noong Nob. 20 sa Santa Ana Park din, at ang Philracom Juvenile Championship noong Dis. 11 sa San Lazaro Leisure Park.

Mukhang si Hagdang Bato ang maari maging llamado sa darating na Triple Crown series ng Philracom.

Sa Garnet III, umoras si Hagdang Bato ng 1:38.4. Malapit na sana niyang mabasag ang record para sa milya na 1:38 na itinala noong 2007 pa ng island-born na si Copper Dew ng yumaong Jose Mari Franco, negosyante at direktor ng MARHO.

Tinalo ni Hagdang Bato sa datingan si Tribal King, at si Ikel na tumersero. Silang tatlo lamang ang kalahok pagkaraang inurong ang Purple Ribbon ni Herminio Esguerra.

Dahil kakaunti ang kalahok, itinakbo ang karera na walang tayaan. Tuloy pa rin ang karera dahil ito ay stakes race at deklarado na ang mga kalahok.

May bagong racing rule na ipinatupad kamakailan kung saan mas kakaunti ang deklaradong kalahok kesa sa minimum na kailangan upang maitakbo ang karera (“ x to run”), ikakansela ang karera, kung hindi pa ito lumalabas sa programa. Ngunit kung nailathala na ito sa programa, matutuloy ang karera.

* * * *

Abangan ang mga sumusunod: Philracom Amethyst I, 2nd leg Import/Local Challenge series, 1,700 meters, February 12 sa Santa Ana Park; Amethyst II (3YO local fillies, Peb. 18) at Amethyst III (3YO local colts, Peb. 19), parehong milya sa SLLP.

Pinapaalala ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa mga horseowners at trainers ang Enero 24 na petsa ng nominasyon para sa Peb. 25 Freedom Cup, 1,600 meters sa Santa Ana Park.

Samantala, inaanyayahan ng Metropolitan Association of Race Horse Owners (MARHO) ang mga miyembro nito sa “MARHO: Enter the Dragon” annual fellowship gathering at Chinese New Year party na gaganapin sa Peb. 10, Biernes, sa di pa tiyak na lugar.

Karera lang – walang personalan!   ***

Related stories:

Comments are closed.