KL: Philracom Commissioner’s Cup at Chairman’s Cup

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 13 March 2012, Tuesday

Philracom Commissioner’s Cup at Chairman’s Cup

Kasing-init ng summer ang umatikabong aksiyong naganap noong nakaraang weekend sa Santa Ana Park ng Philippine Racing Club sa Naic, Cavite.

Dalawang stakes races ng Philippine Racing Commission ang nilargahan bilang parangal sa dating mga opisyal ng Philracom.

Ang Commissioner’s Cup noong Sabado, parangal kay dating commissioner Eduardo Galang, ay pinanalo ng llamadong Cheese Mosa ni Atty Sixto Esquivias IV. Lulan si jockey Jonathan “Unoh” Hernandez, tinalo nito sa datingan si Tensile Strength ni Felizardo Sevilla Jr.

Tersero si Arvindugo na ka-couple ni Cheese Mosa, at cuarto si Barkley ni Mayor Benhur Abalos.

Ang cuartos ng 1,900-meters na karera ay 19-24-26-24.6-27 para sa total time na 2:00.6.

Samantala, umiskor uli si Hernandez sa milyang Chairman’s Cup na idinaos bilang parangal kay immediate past Philracom chairman Atty Jose Ferdinand Rojas II. Siya ay ang kasalukuyang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Nirendahan ni Unoh una sa meta si Hagdang Bato ni Mayor Abalos, at sumegundo si Patron ni Mayor Sandy Javier. Tersero si Yes Yes Yes ni Francis Lim (ka-kuwadra ni Yes Pogi), at cuarto si Golden Empire ni Lamberto Almeda Jr.

Umoras si Hagdang Bato ng 1:39.8, at ang cuartos ay 26.6-23-25-25.2.

* * * * *

Nahulog si jockey Antonio B. Alcasid Jr. kay Denise Song noong nakaraang Biernes at agarang dinala sa ospital. Nakita sa x-ray na nagkaroon siya ng linear fracture sa kanyang balagat na nabali na rin mga 10 taon nakaraan.

Pinauwi rin si Alcasid noong gabing iyon pagkaraan ng pagsusuri ang paggamot. Sidelined muna siya hanggang sa maka-recover.

* * * * *

Ang Marso ay National Women’s Month. Ayon kay Philracom commissioner at executive director Engr. Jesus Cantos, ang tema ngayong taon sa buong gobyerno para sa selebrasyong ito ay “Women Weathering Climate Change: Governance and Accountability, Everyone’s Responsibility.”

Bilang tugon dito, nagpasiya ang mga kababaihan ng Philracom na magsagawa ng tree-planting activity sa Santa Ana Park, Naic, Cavite.

Mga 20-25 empleyada ng naturang ahensiya ang dadalo sa karerahan sa unang linggo ng Abril upang magtanim ng mga puno ng langka sa paligid.

Karera lang – walang personalan!   ***

Related stories:

Comments are closed.