KK: PCSO Race, Dehado Nanalo!

KUWENTONG KARERA by Jenny Ortuoste for Pilipino Mirror, 18 April 2012, Wednesday

PCSO Race, Dehado Nanalo!

Welcome to the newest tabloid on the market, Pilipino Mirror! Tiyak na maghahatid ito ng mainit at makabuluhang balita araw-araw.

Maraming salamat kay former Ambassador Antonio Cabangon Chua, ALC Media Group, at Mr. Tony Calvento sa kanilang paanyaya na maging bahagi ng payahagang ito bilang kolumnista ng karera. Salamat din sa aming sports editor, Mr. Edwin Rollon.

Subaybayan po dito ang “Kuwentong Karera” tuwing Lunes, Miyerkoles, and Biyernes upang makakalap kayo ng mga balita tungkol sa ating paboritong libangan at kaganapan sa industriya, pati na rin sa breeding o pagpapalahi ng Thoroughbreds.

Magpapakilala po ako. Matagal na po akong taga-karera, higit 20 taon na. Ako ang naging kauna-unahang apprentice na babae sa  Philippine Jockeys Academy sa ilalim ni dating U.S. trainer George Y. Stribling.

Dati akong asawa ng hinete at manugang ng isang veterinarian-trainer; nanirahan ng 20 years sa property nila na ang bahagi ay 12-stall na kuwadra; naging racing broadcaster (Philippine Racing Club), assistant racing manager at head ng racing broadcast (Manila Jockey Club), racing commentator sa broadcast ng parehong racetrack (mga 10 taon na), at host/co-host ng ilang palabas na horseracing sa telebisyon.

Nagkaroon din ako sa mga trabahong may kinalaman sa komunikasyon, pagsusulat, at event management para sa iba’t-ibang mga grupo at kumpanya sa karera – Philracom, MARHO, Philtobo, Klub Don Juan de Manila, at iba pa.

Bahagi ng aking career ang pagiging racing writer at makakasiguro kayo na ang mababasa ninyo sa kolum na ito ay mga balitang “straight from the horse’s mouth”.

Salamat in advance sa inyong malugod na pagtangkilik.

* * * * *

Itinaob ng isang dehado ang mga paborito sa Philippine Charity Sweepstakes Office Special Maiden Race noong Sabado, Abril 14, sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.

Llamado si Arriba Amor, segundo llamado si Royal Storm. Ngunit ang quinto-llamadong Deo Volente ang nanalo ng banderang tapos sa ilalim ni jockey Patty Dilema.

Ang kabayo ay pagmamay-ari ni Joseph Dyhengco at kinukundisyon ni Anthony Francisco. Nanalo pa ito ng 3/4 –length ang layo sa sumegundong Royal Storm. Tersero si Arriba Amor, cuarto si Caraga Weather.

Umoras ng kabuuang 1:23.6 si Deo Volente sa splits na 7-24-24’ sa 1,300 meters.

Susubaybayan natin ang kabayong ito dahil sa kanyang stamina at endurance. Kadalasan kasi tumutukod ang mga frontrunners bago makarating ng meta. Akala ng iba, di makakabuo ng aire si Deo Volente. ***

Related stories:

Comments are closed.