KL: Saan Patungo ang Industriya ng Karera?

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 24 April 2012, Tuesday

Saan Patungo ang Industriya ng Karera?

Ano ang mga pagbabago na maari nating makita sa mga darating na panahon sa larangan ng karera at pagpapalahi ng Thoroughbreds?

Ang libangan na ito ay isa ring negosyo na may steady at reliable na income, na nagpapanhik ng humigit-kulang P1 billion kada taon bilang buwis sa gobyerno para sa mga programa nito.

Kaya kailangan rin ng industriya ang mga magagaling na managers upang makatiyak na maayos ang patutunguhan nito.

Ibinulgar kamakailan ni Philippine Racing Commission executive director Jesus Cantos ang ilang mga istratehiyang binabalak para sa horseracing upang lalo pa itong lumago.

“Sa loob ng nakaraang limang buwan,” aniya, “may 20 bagong horseowners ang nagparehistro. Sila ay mula sa iba’t-ibang mga larangan – mayroon tayong piloto, kontratista, manlalaro ng polo, pandaigdig na produser ng pelikula, at marami pang mga mahilig sa karera na mula sa ibang okupasyon na naging investors na rito. Maganda ang pangitain nito para sa karera.”

Dagdag niya, “Dapat nang maging bahagi ng marketing ng turismo ang karera. Sa ganitong paraan masusuportahan din nating ang Department of Tourism at si Secretary Ramon Jimenez Jr. sa kanilang kampanyang ‘It’s More Fun in the Philippines.’ Ito’y sinimulan na namin sa pamamagitan ng paglagay ng banner na may slogan na iyon sa aming bagong-disenyo na website sa http://www.philracom.gov.ph.”

Bukod sa pagpasok ng bagong may-ari, kailangan rin daw, ayon kay Cantos, ang makabagong mga paraan ng pag-iisip at pagdidiskarte upang mapalago at mapalaki ang industriya.

Abangan sa kolum na ito sa Sabado kung ano pa ang mga ito.

* * * * *

Noong nakaraang Linggo, Abril 15, sa San Lazaro Leisure Park, nagwagi ang matibay na 3YO colt ni Mandaluyong City mayor Benhur Abalos na si Hagdang Bato sa Philracom Diamond III stakes.

Sa ilalim ng pagrerenda ni Jonathan Hernandez at sa pagkukundisyon ni Ruben Tupas, nanaig ang anak ni Quaker Ridge kay Fire Down Under sa milyang karera sa oras na 1:41 (25-23’-25’-26’).

Sumegundo si Patron, tersero si Golden Empire, cuarto si Chevrome.

Patuloy na nagpapakitang-gilas ang mga 3YO na ito na maaring magsilahok sa darating na prestihiyosong serye ng Philracom Triple Crown.

Karera lang – walang personalan!  ***

Related stories:

Comments are closed.