GR: Philracom Stakes sa SLLP

GOGIRL RACING by JennyO for Pilipino Mirror, 20 April 2012, Friday

Philracom Stakes sa SLLP

Hataw pa rin ang Philippine Racing Commission sa kanilang pagdaos ng mga summer stakes races sa dalawang pista.

Noong nakaraang weekend, dalawa ang kanilang itinanghal sa San Lazaro Leisure Park ng Manila Jockey Club.

Sabado, Abril 14, ang Diamond II stakes para sa tatlong-taong-gulang (3-year-old) fillies (batang babaeng kabayo edad 1 hanggang 4 taon) na ipinalahi at ipinanganak (local-bred).

Isang milyang (1,600-meter) na karera, nanalo dito ang llamadong Humble Riches sa ilalim ni jockey Val Dilema, na galing off-the-pace at nagparemate nalang sa may likuran.

Ang kabayong ito na pagmamay-ari ni Kenneth Causon ay kumopo ng P300,000 premyo para sa 1st place.

Segundo si Cheese Blanca, tersero si Time To Shine Dad, at cuarto si Gale Force.

Nanalo ng dalawang kabayo (two lengths) si Humble Riches (Tribal Rule x Starlight Wish) sa pagkukundisyon ni Ruben Clor. Ang tiyempo ng karera ay 25-24.8-25.4-26.6 para sa kabuuang 1:41.8.

Noong Linggo, Abril 15, sa SLLP rin, colts (3YO batang lalaking kabayo) ang nagpakitang-gilas. Llamado rin ang nanalo dito, si Hangdang Bato (Quaker Ridge x Fire Down Under) ni Mandaluyong City mayor Benhur Abalos, sa pagrerenda ni jockey Jonathan Hernandez at pagkukundisyon ni trainer Ruben Tupas.

Ang cuartos ay 25-23’-25’-26’ para sa total time na 1:41 sa milya.

Ang mga placers ay sina Patron, Golden Empire, at Chevrome.

Si Hagdang Bato ay half-brother ni Ibarra, ang premyadong kampeon ni Mayor Abalos.

Ang mga karerang ito ang nagsisilbing tuneup races para sa darating Philracom Triple Crown stakes series, ang pinakatanyag na kompetisyon para sa mga Philippine-bred 3YO.

Ang unang yugto nito ay gaganapin sa Santa Ana Park ng Philippine Racing Club sa Mayo 20. * * *

Related stories:

Comments are closed.