GR: Happy Birthday, Atty Joy Rojas!

GOGIRL RACING by JennyO for Pilipino Mirror, 2 May 2012, Wednesday

Happy Birthday, Atty Joy Rojas!

Happy birthday ngayon kay Philippine Charity Sweepstakes general manager Jose Ferdinand M. Rojas II!

Bilang dating chairman ng Philippine Racing Commission mula February 2008 hanggang July 2010, inalagaan niya ang industriya, itinatag ang Philracom laboratory, tumulong sa pagpasa ng racing taxes bill sa Lower House, at marami pang iba.

Sa PCSO, siya ngayon ang pinuno ng agency operations at sinisigurong patuloy na hinahatid ng ahensiya ang mga tulong medikal at pangkalusugan nito sa mga beneficiaries.   Maligayang bati, Attorney Joy!

* * * * *

Ako’y dumadalaw ngayon sa mga kaibigan sa Waukee, Iowa, USA, isang maliit na lugar malapit sa West Des Moines.

Nag-iisa ang karerahan dito sa Iowa, ang Prairie Meadows Racetrack and Casino sa Altoona, malapit sa Des Moines. Ang unang karera ay itinakbo doon noong 1 March 1989.

Sa kasalukuyan, mayroon silang Thoroughbred at quarter-horse racing mula Huwebes hanggang Linggo sa kanilang racing season na Abril hanggang Oktubre.

Bukod sa kanilang mga karera, nagpapakita rin sila ng simulcast racing mula sa Churchill Downs (Kentucky), Arlington Park (Illinois), Del Mar (California), at Saratoga (New York).

Kabilang sa mga Triple Crown-winning na mga sikat na hinete na nakasakay na sa Prairie Meadows ay sina Pat Day (nanalo ng 2001 Iowa Oaks kay Unbridled Elaine at Iowa Distaff kay Royal Fair), Calvin Borel (nanalo ng 2010 Iowa Oaks kay Seeking the Title), Chris Antley, Jerry Bailey, Eddie Delahoussaye, Kent Desormeaux, at ang aking iniidolong si  Julie Krone.

Bakit mahalagang malaman natin ang tungkol sa karera sa Amerika?

Dahil ang karamihan ng lahing mayroon tayo ay galing sa USA, kahit ang mga nabili mula sa Australia at New Zealand. Magagaling sa dirt ang US na lahi, kumpara sa mga Aussie breeds na magaling sa turf.

Pati ang estilo ng pananakay ng ating mga hinete ay hango sa US, ang “acey-deucy” style na mas maigsi ang estribo sa kaliwa para sa pag-ikot ng kurbada, at pati na rin ang “monkey ride” kung saan hindi lumalapat ang puwit ng hinete sa muntura; sa halip ay nakatukod siya hanggang sa marating ang meta.   * * *

Related stories:

Comments are closed.