KL: Direksiyon ng Karera

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 28 April 2012, Saturday

Direksiyon ng Karera

            Ipagpatuloy natin ang diskusyon tungkol sa mga patutunguhan ng industriya ng karera sa mga darating na panahon, na sinimulan natin dito sa kolum na ito noong nakaraang Martes.

Nakapanayam ko si Philippine Racing Commission executive director Jesus Cantos, at ayon sa kanya, kailangan ang mga makabagong paraan ng pag-iisip at pagdidiskarte ng mga istratehiya upang mapalago at mapalaki ang industriya.

“Dapat nang maging bahagi ng marketing ng turismo ang karera,” aniya. “Sa ganitong paraan masusuportahan din nating ang Department of Tourism at si Secretary Ramon Jimenez Jr. sa kanilang kampanyang ‘It’s More Fun in the Philippines.’ Ito’y sinimulan na namin sa pamamagitan ng paglagay ng banner na may slogan na iyon sa aming bagong-disenyo na website sa http://www.philracom.gov.ph.”

Bukod dito, kinumpirma ni Cantos na ang pangatlong karerahan (bukod sa Santa Ana Park at San Lazaro Leisure Park), na pagmamay-ari ng Metro Manila Turf Club, Inc., ay patuloy na ang pagtatayo sa bayan ng Malvar at Tanauan, Batangas. “Maaring idaos doon ang unang karera sa fourth quarter ng taong ito,” dagdag niya.

Madiin raw bibigyan ng pansin ng Komisyon ang mga kakailanganin upang matuloy ang karera doon, tulad ng bilang ng kabayong kalahok, mga off-track betting stations, ang betting menu na iaalok ng MMTC upang maka-engganyo ng mga manlalaro, at iba pa.

Itinayo ang Manila Jockey Club noong 1867 at ang Philippine Racing Club naman noong 1937. Bilang baguhan sa negosyong ito, mahihirapan ang MMTC na humabol sa mga naunang ito.

Ngunit bahagi ng kulturang karera ang kooperasyon, at tingin ko sa umpisa ay magkakaroon ng sharing of resources.

Nariyan din ang pagsisikap at pagmamahal ng mga may-ari ng MMTC sa karera bilang mga horseowners (ang nagtayo nito ay si Dr Norberto Quisumbing Jr. na dekada nang horseowner at breeder). Ang pagmamalasakit na ito ay malaking bagay para sa tagumpay ng proyektong ito.

Ayon kay Commissioner Cantos, mga exciting na panahon ito para sa mundo ng karera, na halos 150 taon na mula nang ito’y pormal na itinatag.

Sabay-sabay nating abangan ang mga darating na pagbabago sa isang kinabukasan na mukhang kay ganda.

Karera lang – walang personalan!  ***

Related stories:

Comments are closed.