KL: Zappiness

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 5 May 2012, Saturday

Zappiness

            Noong nakaraang buwan, ako’y nakatanggap ng mensahe sa Facebook (Gogirl Racing) mula kay horseowner Mike Danapas ng Texas tungkol sa kanyang pinakamagaling na kabayo at ang sire nito na nasa Pilipinas na.

Ito ang kanyang sinulat (sinalin mula sa Inggles):

“Howdy from Texas! Ang aking 3YO na si Zaptitude ay nanalo sa isang maiden claiming race sa Lone Star Park dito. Gumawa siya ng 7-1/2 furlongs (1500 meters) sa turf (damo).

“Palagay ko nahanap na niya kung saan siya magaling, at nagbigay siya ng very exciting race. Nanggaling siya sa 14-1/2 lengths mula sa bandera at nanalo pa ng two lengths.

“Naipapakita niya na mas gusto niya ang turf at ang kanyang diskarte ay magpaparemate mula sa pinakalikuran at magtatapos pa ng malakas.

“Siya ang pinakamagaling sa mga anak ni Zap, na siya naman ay nasa #3 ranking sa 2012 Top Sires List for Texas ng The Bloodhorse magazine. Tinapos ni Zap ang 2011 bilang #3 din sa Texas.

“Maganda ang record ni Zap, na nakapagpalahi ng 16 besiro lamang dito bago siya dinala diyan sa inyo sa Pilipinas ng bagong may-ari nito.”

Si Zap ay binili at dinala sa Pilipinas noong 2009 ni horseowner-breeder mayor Leonardo “Sandy” Javier Jr. Mula noon ay naging istalyon na siya sa Royal Maverick Ranch ni Mayor Sandy sa Batangas.

Ayon kay Mayor Sandy, ang unang crop ng Philippine-breds ni Zap ay mga 2YO na. Maaring ang iba ay itakbo niya at ang iba naman ay ibenta sa mga horse auction o private sale.

Nakakatuwang malaman na may ganito tayong uri ng lahi sa Pilipinas. Salamat kay Mayor Sandy at iba pang mga breeder na nagmamalasakit na mag-angkat ng magagaling na bloodstock na siyang ikakagaganda ng karerang Pilipino, at ikatataas ng antas ng kabayo sa bansa.

Samantala, abangan natin ang pagtakbo ng first leg ng American Triple Crown, ang 138th Kentucky Derby, Mayo 5 doon, o bukas ng umaga dito sa atin.

Karera lang – walang personalan!  ***

Related stories:

Comments are closed.