GR: PCSO Silver Cup at Race Roundup

GOGIRL RACING by JennyO for Pilipino Mirror, 23 May 2012, Wednesday

PCSO Silver Cup at Race Roundup

Gaya nang ipinangako ko noong nakaraang kolum, heto na po ang detalye ng ika-17 Philippine Charity Sweepstakes Office Silver Cup.

Ito’y gaganapin sa San Lazaro Leisure Park ng Manila Jockey Club sa Carmona, Cavite, sa Hunyo 3, Linggo.

Ang 2,000 meter na karerang ito ay nilahukan ng mga sumusunod:

#1, Prime Rate, 4YO filly ni Felizardo Sevilla  Jr. kasama si jockey Mark Alvarez, 54 kgs; #2, Hari ng Yambo, 4YO colt ni Emmanuel Santos, jockey John Alvin Guce, 55; #3, Barkley, 4YO colt ni Benhur Abalos, jockey Kelvin Abobo, 55; #4, Darleb, 4YO colt ni Joseph Dyhengco, jockey Patricio Dilema, 55; #5, Magna Carta, 4YO colt ni Michael Dragon Javier, jockey Jesse Guce, 55;

#6, Money Queen, 5YO mare ni Emmanuel King Jr., jockey Dominador Borbe Jr., 55; #7, Arvin Dugo, 4YO colt ni Atty. Sixto Esquivias IV, jockey Jeffrey Bacaycay, 55, at coupled entry #7A, 4YO filly Cheese Mosa, jockey Jonathan Hernandez, 54; #9, High Voltage, 4YO colt ni Herminio Esguerra, jockey Fernando Raquel Jr., 55, at coupled entry #9A, 6YO mare Nuclear Power, jockey Val Dilema, 55.5.

Si Cheese Mosa ay papasok sa stall #10 at si Nuclear Power sa #8.

Malaki ang premyo para sa winner at placers: 1st, P2.5 million; 2nd, P700,000; 3rd, 350,000; 4th, P250,000, at may breeder’s prize ng P200,000.

Maganda ang lineup na ito dahil anybody’s race. Lahat ng mga kalahok dito ay nanalo o tumimbang na sa mga stakes race. Bibigyan ko ng pansin dito ang coupled entries ni Atty. Esquivias, na mabuti ang performance ngayong taon. Huwag mawalan ng Magna Carta at Barkley.

* * * * *

Samantala, mainit na aksiyon ang nagpasiklab sa pista ng Santa Ana Park (Philippine Racing Club) noong nakaraang weekend. Heto ang resulta:

Sabado, Mayo 19: dalawang karera ang itinakbo, ang PCSO Special Maiden Race at Philippine Racing Commission 1st leg Hopeful Stakes.

Sa 1,200 meters PCSO Special Maiden Race, nanalo ng halos banderang tapos ang 3YO filly ni Aristeo “Putch” Puyat na si Water Shed, na nirendahan ni Rodeo Fernandez at kinukondisyon ni Johnny Sordan.

Tinalo niya ng nguso ang sumegundong si Miss Malapia (tersero llamado). Tersero naman si Heart Summer, ang llamado, at cuarto ang dehadong Machine Gun Mama.

Ang tiyempo ay 24’-22-26 para sa total time na 1:12.8.

Sa Philracom 1st leg Hopeful Stakes, unang tumawid sa meta si Golden Empire, 3YO colt ni Lamberto “Jun” Almeda Jr. Sinakyan ito ni Kelvin Abobo; ang kanyang trainer ay si Quirino Rayat.

Tinalo ng isa’t-kalahating kabayo ni Golden Empire si Chevrome. Tersero si Sea Princess, cuatro si Spring Collection.

Ang tiyempo nitong milyang karera ay 26-23’-24-28 para sa kabuuang 1:41.8.

Linggo, Mayo 20: Philracom 1st leg Triple Crown. Milya rin ang distansiya nito, at nanaig ang 3YO colt ni Mayor Benhur Abalos na si Hagdang Bato ng leeg kay Steel Creation.

Tersero ang matinding filly na si Humble Riches, na naubos sa luchahan; cuarto si Patron. Ang tiyempo ni Hagdang Bato, na kinukundisyon ni Ruben Tupas, ay matinding 1:39, sa ilalim ni jockey Jonathan Hernandez.    * * *

Related stories:

Comments are closed.