KL: Batangas Fighter sa PCSO Special Maiden Race!

KARERA LANG! by Jenny Ortuoste for Bandera, 16 June 2012, Saturday

Batangas Fighter sa PCSO Special Maiden Race!

Ipinakita ng dehadong si Batangas Fighter ang kanyang kakayahan sa Philippine Charity Sweepstakes Office Special Maiden Race na ginanap noong Hunyo 9 sa Santa Ana Park.

Ang 1,200 meter race ay nilahukan ng anim na 3YO na kabayo. Scratch si McGilroy at di ma lumahok.

Maganda ang alis ni Batangas Fighter sa aparato, lulan si jockey Dominador H. Borbe Jr. Nag-pacing sa likuran si Blank Check, at tersero puesto si Power Factor, mistula silang  tren na magkasunod lang ang takbo.

Halos walang challenge ang naibigay ng mga kalaban kay Batangas Fighter, na siyang nanalo ng banderang tapos at ng apat na kabayo ang layo sa sumegundong Power Factor. Tersero si Statuesque, cuarto si Esprit de Corps, sinundan ng pagod nang Blank Check at huli si Classy Jeune, na siya ring bugaw noong trial race.

Umoras ng kabuuang 1:14’ si Batangas Fighter sa cuartos na 24’-23’-26’.

* * * * *

Itatakbo ngayong araw sa San Lazaro Leisure Park ang unang yugto ng Philippine Racing Commission Juvenile Fillies Stakes race para sa 2YO babaeng kabayo. Bukas naman idaraos ang katumbas na karera para sa mga batang lalaking kabayo, ang Philracom Juvenile Colts stakes. Parehong tatakbuhin ang mga karerang ito sa distansiyang 1,000 meters.

* * * *  *

Sa ibang balita, nabanggit kamakailan ni Philracom commissioner at executive director Jesus Cantos na sa Agosto ay magsisimula na ang operations ng ilang off-track betting stations sa Makati City.

Alam ng bayang karerista na dating hindi pinapayagan ng city government doon ang paglagay ng OTBs sa naturang siyudad bukod sa existing sa loob ng Santa Ana Park.

Ngunit sa tulong ni Makati Mayor Junjun Binay, nabigyan na ng pahintulot ang pagtayo ng OTBs doon.

Ito’y magandang hakbang para sa paglago ng sport. Ito ay magbibigay rin ng mga livelihood and business opportunities para sa mga magtatayo ng OTBs/restaurant, sa mga magta-trabaho dito, at sa kanilang mga suppliers ng pagkain, inumin, at kung anu-ano pa. Multiplier effect, ika nga, para sa ekonomiya.

Salamat kay Mayor Junjun Binay at sa lahat ng mga sumuporta ng pagkakaroon ng OTBs sa Makati!     ***

Related stories:

Comments are closed.