GR: Hagdang Bato, Wawalisin ang Triple Crown?

GOGIRL RACING by JennyO for Pilipino Mirror, 27 June 2012, Wednesday

Hagdang Bato, Wawalisin ang Triple Crown?

Mistulang parang nakatigil lamang ang pitong kalaban na nilagpasan ni Hagdang Bato sa pangalawang yugto ng Philippine Racing Commission Triple Crown Stakes.

Ang pinakaaabangang serye para sa local-bred 3YO ay ginanap noong nakaraang Linggo (Hunyo 24) sa Santa Ana Park ng Philippine Racing Club sa Naic, Cavite.

Ang mga naglaban para sa bandera puwesto ay sina Humble Riches, Golden Empire, at Steel Creation, samantalang nag-abang lang sa tersero si Hagdang Bato, Patron sa cuarto.

Ayon kay PRC racing commentator Atty. Will de Ungria, kinuha ni Hagdang Bato “for good” ang unahan nang magparemate. Sumegundo si Patron.

Tersero sa datingan si Humble Riches, cuarto si Steel Creation. Ang tiyempo para sa distansiyang 1,800 meters ay 1:52.2.

Ang first prize na P1.8 milyon ay napunta sa may-ari ni Hagdang Bato, Mayor Benhur Abalos, trainer Ruben Tupas, at jockey Jonathan Hernandez.

Si Hagdang Bato rin ang nanalo ng 1st leg, at malaki ang kanyang pagkakataon na ma-sweep ang Triple Crown. Ang kailangan nalang gawin ng kanyang connections ay siguraduhing siya ay nasa kundisyon para sa  Hulyo 15, ang huling yugto ng serye na gaganapin sa San Lazaro Leisure Park ng Manila Jockey Club sa distansiyang 2,000 meters.

Ang huling Triple Crown champion ay si Silver Story noong 2001.

May P500,000 na premyo mula sa Philracom para sa Triple Crown winner.

Samantala, ang Hopeful Stakes na idinaos noong Sabado (Hunyo 23) ay tinampukan ng pitong kalahok.  Nanalo si Isa Pa Isa Pa ni Kenneth Causon na sakay ni jockey Dominador Borbe Jr. at kinukundisyon ni Ruben Clor, sa tiyempong 1:56 sa 1,800 meters.

Segundo si Ikel, at sinundan nina Cinderella Kid at Spring Collection sa tersero at cuarto.

***

Related stories:

Comments are closed.