KL: Don Enrico, Patok sa TC3!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  1 August 2008, Friday

 Don Enrico, Patok sa TC3!

“Sa Linggo na ang pinakahihintay ng Bayang Karerista, ang kulminasyon ng serye para sa tatlong-taong gulang na kabayo – ang ikatlong yugto ng Triple Crown!”

Naks. Parang telenobela ba dating? Ganoon naman talaga dito sa karera – parang showbiz. At ang mga sikat na “artista” o gumaganap ay ang mga kabayo na siyang lumalahok sa karera.

At ang pinakasikat na siguro na 3YO sa taong ito ay walang iba kundi ang colt na si Don Enrico. Naipanalo niya ang second leg ng Triple Crown, pagkaraan ng nakakadismaya niyang pagkatalo noong first leg sa kanyang mortal na karibal, ang filly na si Indelible Ink.

Ayon sa mga balita, angat ang kundisyon ni Don Enrico ngayon. Lahat ay humahanga, dahil pati raw sa ensayo ay maganda ang kilos. Kaya walang hirap niyang ipinanalo ang class-division race na sinalihan kamakailan.

Samantala, si Indelible Ink naman ay diumano mayroong iniinda, kaya hindi maganda ang itinakbo noong TC second leg. Kahit sa CD na sinalihan noong isang linggo, nahirapan siyang manalo.

Ang ibang kalahok sa TC3 ay sina Shining Fame (segundong dikit sa TC1, tersero sa TC2), na maganda raw ang katawan ngayon, at Hieroglyphics, na nanalo ng Hopeful 2, sa pamamagitan ng nakakahangang  paremate sa far turn.

Kasali rin si Tabako, stablemate ni Indelible Ink pero nasa pangalan ng Herma Farms, na puedeng maging “rabbit” ngunit puede rin gumawa ng sarili niyang takbo dahil nagpakitang gilas din naman siya noong siya’y juvenile. Isa pang kalahok si Champion of Show, na cuarto noong TC2.

Tiyak na magandang karera ang TC3, dahil mas mahaba na ang distansiya – 2,050 meters – at magiging challenge ito sa lahat ng kalahok sa aspeto ng patibayan.

Sa 1800-meters na Hopeful Stakes naman, “anybody’s race” iyan.  Bigyan ng pansin si Bohemian Dave na sumegundo sa Hopeful 2; Anonymous; at Sauvignon.

Ang ibang mga kalahok – Luna Rossa, Arithmetic, Luck To Win, at Speed Almighty – ay maaring makasorpresa rin.

Ang Triple Crown at Hopeful third legs, sponsored ng Philippine Racing Commission, ay gaganapin sa Agosto 3, Linggo, sa Santa Ana Park.

At estilong telenobela uli – “Abangan ang susunod na kabanata!” ***

Related stories:

Comments are closed.