KL: Ano ang “Strangles”?

KARERA LANG! By Jenny Ortuoste for Tumbok, 21 August 2008, Thursday

Ano ang “Strangles”?

Sumulat sa Philippine Racing Commission ang Bureau of Animal Industry (BAI), isang departamento ng Department of Agriculture, na may mga nakarating raw na balita sa BAI na may mga kaso ng “strangles” sa isang horse breeding ranch sa Batangas.

Ano ba itong “strangles”? Sa wikang Inggles, ang ibig sabihin nito ay “sinasakal”. Ayon kay Philracom commissioner Dr. Eyo Fernando, isang beterinaryo, ang sakit na ito ay isang upper respiratory tract infection ng kabayo na dala ng bacteriang “streptococcus equi”. Iba ito sa equine influenza na dala naman ng virus. Ngunit pareho silang nakakahawa.

Ang mga sintoma ng strangles ay lagnat, sipon at plema, at namamagang lymph nodes sa leeg at panga. Ang mga kabayong may sakit na ganito ay humihina rin ang kain.

Ayon kay Dr. Fernando, mas madaling gamutin ang strangles kaysa sa EI, dahil penicillin lang ang katapat nito.

Ngunit maigi na rin na ang kabayong may strangles ay nasa pangangalaga ng vet, dahil maaring magkaroon ng nana (abscess). Kung may abscess na, baka hindi na makatulong ang penicillin at dapat ibang gamot na ang ibigay.

Hindi sakop ng Presidential Decree 420, ang batas na nagtayo ng Philracom, ang pagbibigay ng mga regulations o procedures na may kinalaman sa animal health. Ang mga bagay na ito ay nasa ilalim ng BAI. Makakatulong sila sa industriya kung kanilang iinspeksiyunin ang sinasabi nilang rancho, alamin ang tunay na sitwasyon, at magbigay ng mga guidelines tulad ng quarantine, at iba pa.

Ang magagawa lamang ng Philracom, sa tingin ko lang, sa puntong ito ay ang pagbabawal ng mga kabayong may “strangles” na pumasok sa loob ng mga racing club upang hindi sila makahawa ng ibang kabayo, at ang pagbigay ng impormasyon sa mga taga-industriya.

Bilang isang vet naman, inirerekomenda ni Dr. Fernando sa mga horseowners ang mga preventive measures tulad ng vaccination. Pag may kaso ng strangles sa rancho o kuwadra, dapat raw ibukod ang mga maysakit (isolation), at i-disinfect ang mga stalls, labangan, at iba pang gamit ng kabayo, at ipatingin sa vet ang mga infected horses upang sila ay maresetahan ng tamang gamot.

Sa ibang dako naman – ang aking kolum bukas ay may balita tungkol sa kaso ng Manila Jockey Club stewards at Diamond Magic, pati na rin sa gaganapin na Philracom Peridot I stakes sa Linggo sa San Lazaro Leisure Park. Kaya ugaliing bumili ng Tumbok, ang dyaryong patok sa manlalaro!

Karera lang – walang personalan! *** (Website: http://gogirlracing.wordpress.com)

Related stories:

Comments are closed.