KL: Karera, Patok sa Kongresista!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok, 11 September 2008, Thursday

Karera, Patok sa Kongresista!

Sa Kongreso o Mababang Kapulungan ng Pilipinas, ang industriya ng karera ay sakop ng  Games and Amusements (G&A) Committee. Ang chairman ng kumiteng ito ay si Cong. Amado S. Bagatsing (5th district, Manila), na galing sa isang kilala at respetadong pamilya ng horseowners at breeders, simula pa ng panahon ng kanyang yumaong ama, ang dating mayor ng Manila na si Ramon Bagatsing Sr.

Nasa 65 ang miyembro ng G&A committee, at bukod kay Cong. Bagatsing, si Cong. Abraham Kahlil “Baham” Mitra (2nd, Palawan), anak ng dating horseowner/breeder at Speaker of the House of Representatives Ramon V. Mitra Jr., at si Cong. Jeci A. Lapus (3rd, Tarlac) lang ang mga horseowner. Wala na sa natitirang 63 miyembro ang may alam sa kakaibang mundo ng karera.

Kung karamihan sa miyembro ng G&A committee ay walang alam sa karera, paano sila makakagawa ng mga batas na tutulong sa racing at breeding upang ito’y lumago?

Kaya’t dumalaw ang ilang mga kongresistang ito sa karerahan upang mag-ocular inspection noong Set. 4 sa San Lazaro Leisure Park.

Bukod kina Cong. Bagatsing at Cong. Lapus, dumalo sa SLLP sina Cong. Ma. Milagros Magsaysay (1st, Zambales), Manuel Agyao (Lone District, Kalinga), Victoria Reyes (3rd, Batangas), Oscar Malapitan (1st, Caloocan), Franklin Bautista (2nd, Davao del Sur), Bernardo “Jun” Piñol (2nd, North Cotabato), at Herminia Ramiro (2nd, Misamis Occidental). At bagamat di miyembro ng G&A committee, naroon din si Cong. Pidi Barzaga (Cavite second district na sakop ang Carmona, location ng SLLP).

Apat na trophy races ang hinanda ng Philippine Racing Commission (Philracom) bilang parangal sa unang dalaw ng mga kongresista sa karera. Tuwang-tuwa sila at ang kanilang mga staff at dahil “napakasaya at exciting” daw pala ng horseracing.

Avt_award_4sept08

Horseowner Tony Tan (back, in turquoise blue shirt) holds aloft his trophy for the win of his horse Shining Fame in the Luzon Congressional race. Beside him is trainer Ruben Tupas, and on the other side (hidden) is jockey Jesse B. Guce. In front of the winners are (L-R): Philracom’s Executive Director Jorge Necesito, commissioner Vic Tantoco, chairman Atty. Joy Rojas, congressman Oscar Malapitan, Cong. Amado Bagatsing, Cong. Vicky Reyes, Cong. Mitos Magsaysay, Cong. Jeci “Bong” Lapus, and Philracom commissioner Boboc Domingo.

Sa isang panayam sa live race coverage, sinabi ni Cong. Bagatsing na “ngayon ay naiintindihan na ng mga kasama ko sa committee kung ano ang karera, at kung bakit ito dapat suportahan, dahil ito ay gumagawa ng mga trabaho, nagbibigay ng buwis sa gobyerno, at tumutulong sa pagunlad ng agrikultura sa bansa.”

Dagdag rin niya, “Ngayon kapag may mga House Bills tungkol sa karera for deliberation ng aming committee, mas mauunawaan na nila ang pinag-uusapan at makakagawa ng desisyon na nararapat.”

Pinasalamatan ni Philracom chairman Atty. Joy Rojas ang mga kongresista sa kanilang pagdalaw at inanyayahang silang bumalik muli. Aniya, “Sa inyo po umaasa ang industriya para sa mga batas na magbibigay ng mas magandang klima para sa mga investors, bettors, at iba pang racing stakeholders para sa ikauunlad ng racing at breeding.”

Nagpasalamat naman ang mga kongresista at ang Philracom kina Manila Jockey Club chairman Atty. Alfonso R. Reyno Jr. at sa kanyang anak, MJC executive vice-president Atty. King Reyno, sa kanilang ipinakitang “very warm and welcoming hospitality”.

Mahalaga ang suporta ng Congress G&A committee sa pagpapatupad ng House Bills na makakatulong sa industriya. Sana pumasa na ang matagal nang minumungkahi na pagbababa ng buwis sa karera. Ang isang epekto nito ay ang mas malaking dibidendo para sa mananaya.

Karera lang – walang personalan!   ***

Related stories:

Comments are closed.