KL: Journalists, Dadalaw sa SLLP!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  18 September 2008, Thursday

Journalists, Dadalaw sa SLLP!

Naimbitahan sa karera kamakailan ni sportswriter at racing broadcaster Andy Sevilla, ang ating kasamahan sa trabaho, ang ilang mga miyembro ng Samahang Plaridel, isang eksklusibong grupo ng media practitioners at communications specialists.

Sila ay dadalaw sa San Lazaro Leisure Park sa Linggo upang panoorin ang tatlong Philippine Racing Commission-sponsored stakes races. Karamihan sa kanila ay hindi pa nakapunta roon. Para sa ilan, ito marahil ang kanilang unang sulyap sa masayang mundo ng karera.

 Itinatag ang grupo noong 2003, at kabilang sa kanilang mga layunin ay ang pagpapatagag ng kalayaan ng pamamahayag at ang dignidad ng propesyon ng mamamahayag; ang pagpapatibay ng samahan at pag-unawa sa mga kapwa mamamahayag; at ang pagpapaunlad ng propesyon na ito.

Ang kasalukuyang mga opisyales ng Samahang Plaridel ay sina Neal H. Cruz (chairman), Rod Reyes (vice-chair), Rolando Estabillo (president), Julius Fortuna at Benjamin Rodriguez (vice-presidents), Diosdado Beltran (secretary), at Jullie Yap Daza, Carmen Guerrero Nakpil, Isagani Yambot, Cris Icban, Jake Macasaet, Jun Bautista, Jimmy Gil, at Twinkle Valdez (mga direktor).

 Si Neal Cruz ay kolumnista ng sister publication ng Tumbok, ang Philippine Daily Inquirer. Si Carmen Guerrero Nakpil ay isang historian at manunulat. Ang ibang nabanggit ay mga kilala na at matagal na sa larangan ng print at broadcast media.

Interesante ang kaganapang ito dahil lumalabas na lumalawak na rin ang popularidad ng karera na pati ang mga mainstream journalists ay curious dito. Sana sa tulong nila, mas maraming mga kababayan pa natin ang makakatuklas sa sport ng racing at kabuuang industriya pati na ang breeding.

 Mapapanood ng mga taga-Samahang Plaridel sa Linggo ang Sapphire I Stakes (6th leg Imported-Local Challenge), at second leg ng Philracom Juvenile Colts at Philracom Juvenile Fillies series. Mga matitinding karera ito na magpapatunay na malaki na ang naiangat ng kalidad ng kabayong panakbo, at lalo pang aangat ito sa darating na panahon, bunga na rin ng seryosong investment ng mga horseowners at breeders sa pag-aangkat ng mataas na kalibreng bloodstock mula sa ibang bansa.

Speaking of importation, panahon na uli para sa Fasig-Tipton Mid-Atlantic Eastern Fall Yearling Sale. Gaganapin ito sa Set. 29, 30, at Okt. 1 sa Maryland State Fairgrounds, Timonium, Maryland. Doon galing sina Fierce Fighter at stallion Jazz Club. Para sa mga interesadong pumunta at mamili, check out their website (www.fasigtipton.com) o magtanong ng detalye sa opisina ng Philracom (www.philracom.gov.ph).

Speaking of Philracom, malapit na nilang i-launch ang “e-Renewal” portal, kung saan maaari nang gawin online via Internet ang renewal ng registration ng horseowners, trainers, jockeys, horses, at iba pang licensed positions. Ito ay para mabawasan ang “traffic” sa opisina at abala sa licensees kapag panahon ng renewal. Uumpisahan ang serbisyong ito sa Nobyembre.

Speaking of November, sa Nob. 18 to 23 naka-schedule ang MARHO Breeders’ Cup sa Santa Ana Park. Sure na ang petsa at venue, at tuloy pa rin ang anim na championship races nito – Classic, Juvenile Colts, Juvenile Fillies, Colt Mile, Filly Mile, at Sprint. Sa mga gustong mag-sali ang kanilang mga kabayo, paki-check sa MARHO office kung nominated ang inyong entry at ang stallion nito (www.marho.org). ***

Related stories:

Comments are closed.