KL: Real Spicy, Defending Champion sa PCSO Silver Cup

Karera Lang!

by Jenny Ortuoste

for 17 May 2007, Thursday, Tumbok

Real Spicy, defending champion sa PCSO Silver Cup

Maaskiyon at makulay ang karera sa May 20, Linggo, sa Santa Ana Park (SAP), dahil tatlong matitindi na stakes race ang pasasabugin sa kanilang pista – ang Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup, first leg ng Triple Crown; ang Hopeful Stakes; at ang PCSO First Gentleman’s Silver Cup.

Dahil sa limitasyon sa espasyo hindi ko matatalakay ng detalyado ang lahat, kaya pipili nalang ako ng isa: ang Silver Cup. Ang 1st leg Triple Crown kasi, puro mga 3-year-old local-breds iyan, ngunit medyo mahirap i-predict kung sino ang mananalo dahil mga bata pa sila kaya “anything can happen”, bagamat ang gusto ko riyan ay sila Afternoon Delight (dahil sa ganda ng pagkapanalo niya nung Colts Stakes sa SLLP nung April 15) at si Ibarra gawa nung impresibo niyang takbo sa class-division kamakailan lang sa SAP.

Sa Silver Cup, muling gagabayan ni Louie Balboa si Real Spicy, na siya ring hinete niya nung kanilang naipanalo by 15 lengths ang 2006 na edisyon ng karerang ito.

Mahaba ang distansiya, 2050 meters, at malaki ang advantage ni Real Spicy dahil siya pa rin ang may hawak ng record dito -2:09, na itinala niya dalawang beses last December 2006, nung PCSO Presidential Gold Cup (Dec 17) at Philracom Classic Open (Dec 31), parehong sa Santa Ana Park (SAP).

Hawak din ni RS ang record para sa 1750 meters (1:48, itinala noong 26 June 2006, 26th Gran Copa de Manila sa SLLP) at sa 1800 meters (1 :52, noong 12 March 2006, Philracom Commissioners’ Cup sa SAP).

Malinaw na magaling talaga sa mahahabang distansiya si RS, at kahit saan mang pista siya mapapunta, kayang-kaya niya pa ring magpakita ng husay.

Ngunit dalawang beses na siyang natalo sa taong ito – una kay Empire King noong March sa SLLP, Commissioner’s Cup, baka raw kasi hindi pinalo ng hinete sa rekta; at kay Stop Talking noong April sa SAP, Imported Stakes Leg 2, dahil sa binukahan naman raw siya ni Empire King sa rekta din.

Malamang natuto na si RS at si Louie Balboa sa mga pagsubok na ito, at sa Silver Cup tiyak na kakama riyan ng winning strategy ang Spicy Team.

Ngunit hindi magpapatalo si Empire King na dating pinarangalang Horse of the Year. Itong Silver Cup ang hindi pa niya naidadagdag sa kanyang koleksiyon ng tropeo, kaya’t tiyak na hahabulin niya ng husto ang panalo dito.

Ayon naman sa isang survey na ginanap sa website ng Pinoy Horse Fanatics (phf.com.ph) kung sino ang mananalo ng Silver Cup, out of 66 na bumoto, 30 or 45.5% ang pumili kay Empire King, at dikit naman sa segundo puwesto si Real Spicy na may 28 votes o 42.4%. Malayong tersero si Don Paolo na may 4 votes lamang o 6.1%. Dito pa lang obvious na mukhang magiging “two horse race” sa bentahan.

Bagamat “rematch” nila Real Spicy at Empire King ang tingin ng karamihan dito, makakatunggali rin nila ang mga stakes campaigner na sila Don Paolo, Don Exequiel, Native Land, at Jet Sutter.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: RS and EK in a frantic race to the wire at SLLP, scene of the Mar 18 Commissioners’ Cup.

Related stories:

Comments are closed.