KL: Anonymous sa Aquamarine II

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  18 March 2008, Tuesday

Anonymous sa Aquamarine II

Matindi ang bakbakan, walang urungan ang salpukan. Fight to the death ang magkatunggali sa laban, walang bigayan, ngunit iisa lamang ang maaring ideklarang “kampeon”.

Iyon ang naging eksena sa laban nila Pacquiao at Marquez noong Linggo. Tumagal ng twelve rounds ang makasaysayang suntukan na sa huli ay humantong sa split decision. In other words, close fight. Dikit ang laban at sa points lang nagkatalo. Mabuti nalang na si Pacquiao ang ginawaran ng kampeonato. Kung hindi, siguradong nagkagulo na ang sambayanang Pilipino at baka sinugod na ang mga boxing judges sa Las Vegas.

Teka, hindi pala ito boxing column kundi horseracing column.  Hehehe. Cencia na po. Medyo nadala tayo sa agos ng “Pacquiao fever” na kumalat sa buong Pilipinas noong Linggo. Tulad ng dati, kapag araw ng laban ni Pacquiao, tumigil ang buong Pilipinas. Zero ang crime rate. Nag-deklara ng ceasefire ang military sa laban nila sa mga rebelde. Mismong sa mga mall tulad ng Glorietta, halos walang tao. Iba talaga ang hatak ni Manny Pacquiao.

Pacman

Kahit ang mga karerista, isinantabi muna ang pangangarera at pinanood muna ang makasaysayang labanan sa telebisyon. Gaya ng napansin na trend, medyo bumaba ang benta ng Santa Ana Park noong Linggo gawa ng ang atensiyon ng mananaya ay nasa ibang sport. Kaya ayaw na ayaw ng racing clubs na matapat sa kanila ang schedule ng laban ni Pacquiao, dahil tiyak na magsa-suffer ang sales nila for the day.

Kailan kaya mae-enjoy ng horseracing ang ganoon ka init na suporta mula sa publiko? Dito kasi sa Pilipinas, mas gusto ng taong panoorin ang “Three B’s” – basketball, boxing, at billiards. Kahit kailan ay hindi naging kasing-sikat na sport ang karera ng kabayo – o kahit na anong karera, for that matter.

Maaring dahil gambling ang tingin ng karamihan sa karera. Totoo namang may betting aspect, hindi mawawala iyan, dahil napakalaki ng perang kailangan upang mabuhay ang sport na ito. Sana lang, maunawaan ng tao na hindi lamang gaming ang racing, kundi isa itong sport, first and foremost. Tulad ng boxing, pagalingan din iyan. Importante ang ensayo at training. At ang parehong minimithi ay ang pagwawagi at pagiging kampeon.

Congratulations to Manny Pacquiao and his entire team. Nagbigay na naman siya ng karangalan sa bansa, at ipinakita sa buong mundo ang kakayahan ng atletang Pilipino.

Natabunan tuloy ang Aquamarine II stakes race noong Linggo. Si Anonymous, second favorite, ang nagwagi, sumegundo si Kai Jason, at tercero ang llamadong si EJ’s Magic. Matindi rin ang labanan, walang bigyan. At sa huli, isa lamang ang naideklarang kampeon.

Ang susunod na Philracom-sponsored stakes race ay ang milyang Diamond I Stakes sa San Lazaro Leisure Park sa April 6, para sa mga 3YO local-breds. Abangan po ito! At siguro naman maibibigay na natin ang ating buong atensiyon dito, dahil wala nang laban ni Pacquiao sa araw na iyon.                   

Karera lang – walang personalan!  ***

Photo of Manny Pacquiao from philerweb.wordpress.com

Related stories:

1 Comment on KL: Anonymous sa Aquamarine II

  1. Jay
    28 March 2008 at 1:11 pm (4493 days ago)

    Mabuhay ka Manny!