KL: MARHO, Nasa Krisis

danding_agp.jpg

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Thursday, 24 May 2007

MARHO, nasa krisis

Mula nang itatag ito noong 1974 ni Amb. Eduardo “Danding” M. Cojuangco Jr., ang MARHO (Metropolitan Association of Race Horse Owners) ay namayagpag sa industriya bilang asosasyon na masugid na sumisikap para sa ikauunlad ng karera sa Pilipinas.

Ang MARHO ang nagpaumpisa ng pinakatanyag na pakarera o racing festival sa buong bansa – ang MARHO Breeders’ Cup (MBC) na siya parating may pinakaraming trophy race at pinakamalaking premyo. Hindi kumpleto ang koleksiyon ng trophy ng isang may-ari kung wala siyang MBC na panalo.

Ang sekreto ng tagumpay ng MARHO ay ang kanilang liderato. Sa pamumuno nila Aristeo “Putch” Puyat at Sandy Javier sinimulan ang MBC noong 1996 at iba pang tulong sa industriya.

Noong si Mandaluyong Mayor Benhur Abalos naman ang naging presidente nito simula 2006, lakas-loob niyang pinag-isa ang iba’t-ibang sektor ng industriya upang labanan ang mga illegal bookies.

At dahil siya noon ay congressman pa at miyembro ng House Budget Committee, iminungkahi niyang pataasin ang budget ng Philracom para sa premyo ng stakes races mula sa kabuuang P31 million noong 2006 sa P65 million para sa 2007.

Masuwerte ang MARHO dahil sa nakakuha ito ng mga lider na tunay na nagmamahal at tapat sa industriya. Ngunit nakakalungkot sabihin na itong mga huling buwan, nahati ang mga opisyal at miyembro nito bunga sa isang isyu – ang bagong handicapping system ng Philracom sa ilalim ng chairman nitong si Gen. Florencio Fianza (dating opisyal ng Philippine National Police),

Sa sistemang ito, ang mga bagong kabayo (2-year-olds) ay wala nang akyat-baba. Ang mga mas matatandang kabayo ay bababa ng isang grupo pagkaraan ng tatlong sunod-sunod na talo o di kaya’y nagbakasyon ng isang buwan; maximum ng apat na grupo lamang ang maaring ibaba. Ngunit kung maging matagumpay ang sistema, lahat ng kabayo ay sasailalim na sa bagong patakaran simula 1 Agosto 2008.

Dapat magsisimula itong bagong handicapping system noong Abril. Kaso, maraming umangal na horseowners; ayon sa kanila, ang sistemang ito ay papabor doon sa mga may-ari na maraming kabayo. Paano naman daw ang mga maliliit na may-ari?

Lalo silang nahati sa isyu ni Gen. Fianza mismo. Mayroong gusto nang patalsikin sa puwesto ito dahil wala raw siyang nalalaman at pagmamahal sa kabayo at karera.

Mayroon namang nagsasabi na maari namang pag-usapan ang lahat at idaan sa negosasyon, at kailangan respetuhin ang desisyon ng Malakanyang na naglagay kay Gen. Fianza sa puwesto.

Dahil sa tindi ng di-pagkakaunawaan sa mga bagay na ito at iba pa, sa Lunes (May 28) ay magkakaroon ng general meeting ang mga aktibong miyembro ng MARHO upang iklaro ang mga sentimiyento, humanap ng isang pangkalahatang posisyon, at ibalik ang pagkakaisa ng grupo.

Good luck and best wishes sa mga taga-MARHO. Tiyak ko na maaayos ninyo ng mapayapa ang gusot na iyan upang maipagpatuloy ninyo ang inyong taos-pusong pagtulong at pagsilbi sa industriya ng karera.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: San Miguel Corporation chairman Amb. Eduardo “Danding” M.Cojuangco Jr., MARHO founder, and past MARHO president and industry pillar Aristeo “Putch” Puyat at the launch of last year’s MARHO Breeders’ Cup at the Wack-Wack Golf and Country Club. (Nov 2006)

Related stories:

Comments are closed.