KL: Pangatlong karerahan, malapit na

polytrack_cross_section_small.jpg

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Monday, 28 May 2007

Suggested heading: Pangatlong karerahan, malapit na

Simula’t sapul nakagisnan na natin ang dadalawang racing club dito sa Pilipinas – ang Manila Jockey Club (MJC), na itinatag noong 1867, at ang Philippine Racing Club (PRC), mula pa noong 1930s.

Ngunit noong araw nagkaroon pa ng ibang karerahan. Noong sinimulan ang public betting noong 1903, itinatag ang Pasay Country Club. Ang obalo nito ay nasa bahagi ng Pasay na ngayon ay Harrison at Vito Cruz. Apat ang karera bawat linggo, higit sa kayang buhayin ng kakaunting karerista noong panahong iyon,kaya’t di nagtagal ay nagsara din ito.

Noong 1930s naman, nagkaroon din ng karerahan sa Cebu na hindi rin nagtagumpay.

Bagamat ilang beses nang nagpalit ng may-ari ang MJC at PRC, at lumipat pa nga ng lugar ang MJC, hanggang ngayon dalawa lamang pa rin ito. Ngunit malapit nang magbago ang ating matagal nang nakasanayan. Dahil may dalawang karerahan na maaring buksan sa darating na panahon.

Ang isa ay ang Mindanao Racing Club ni Don Antonio Floirendo, tanyag na horseowner and breeder. Ang balita ay nakakakuha na siya ng franchise to operate mula sa gobyerno, at itatayo raw ito sa Davao.

Ang tanong ay, lalago ba ito sa Davao? Ang karera ay hindi lang larong ating kinagigiliwan kundi isa ring negosyo. Sa ngayon ay ni walang OTB sa Davao dahil hindi raw nagbibigay ng permit ang local government doon. Kung hindi nga pinapayagan doon ang OTB, e paano pa kaya ang karerahan?

Ang ikalawang baguhan sa larangan ng karera ay ang Metropolitan Turf Club or Metro Turf ng horseowner and breeder rin na si Raymund Puyat. Sa Silang, Cavite ilulugar ang karerahan nito, 15 minutos lamang na layo mula sa San Lazaro Leisure Park ng MJC sa Carmona, Cavite.

Ayon kay Mr Puyat, kung hindi raw masyadong maaga ang pagdating ng ulan, ay inaasahan niyang maitatayo ang kanilang pista at makakapagtakbo ng karera doon sa loob ng taong ito.

Ang kakaiba raw sa Metro Turf, aniya, ay ang balak niyang maglatag ng PolyTrack imbis na sea sand na pangkaraniwang ginagagamit ngayon sa pista.

“Ito ay isang synthetic material,” wika niya, “na mas mabuti para sa kabayo at maaring magpapababa ng vet bills hanggang 60%.” Ang PolyTrack ay gawa sa silica sand, rubber chips, fiber, at wax bilang binding agent.

“Mahal ang PolyTrack,” inamin ni Mr Puyat, “at ang estimate kong gagastusin rito ay P300 million. Ngunit sulit naman dahil di katagalan, ay ito na rin ang hihingiin ng mga horseowner mula sa mga racing clubs kaya’t ito na ang ipalalagay ko.”

Dagdag pa niya, “Karamihan ng materyales ng PolyTrack ay available dito sa atin, bukod sa wax na kailangang angkatin.” Ang ibang mga kailangan tulad ng computer system ay malapit na rin daw mabuo.

Marami na akong nakausap na horseowners, at lahat sila ay susuporta raw sa Metro Turf kung ito ay matutuloy dahil mas malamig daw ang klima sa Silang kaysa sa Carmona o sa Trece Martires na balak lipatan ng PRC sa 2008.

Maraming hinaharap na challenges ang Metro Turf dahil mas matagal nang nagpapatakbo ang MJC at PRC at establisado na ang mga network nila. Ngunit kung maipatupad nga ni Mr Puyat ang kanyang mga pangarap, tiyak na makakapagbigay ito ng karagdagang saya sa bayang karerista.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: cross-section of PolyTrack layers as typically installed.

Related stories:

Comments are closed.