KL: Black Mamba kaya sa 2-Year-Old Stakes II?

hermie_putch_dimacuha.jpg

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Thursday, 14 June 2007

Suggested heading: Black Mamba kaya sa 2YO Stakes II?

Sa Linggo, June 17, ay magpapakitang-gilas na naman ang bagong crop ng juveniles sa second leg ng Philracom 2-Year-Old Stakes series na gaganapin sa Santa Ana Park.

Ang unang leg (May 13 sa San Lazaro Leisure Park) ay pinanalunan ni Tabako, ginabayan ng hineteng si Louie Balboa, hinanda ng trainer na si Ruben Clor, at pagmamay-ari ni Hermie Esguerra. Si Mr. Esguerra rin ang na-breed kay Tabako sa kanyang Herma Farm & Stud sa Lipa City, Batangas.

Maganda ang pinakita ni Tabako noong first leg, kung saan ay umoras siya ng 0.53.5 sa 900 meters – hindi na ganoon kalayo sa national record na 0.51.8 ni Ariba King na naitala noong 2004.

Ang second leg sa Linggo ay 900 meters uli. Wala na si Tabako sa mga kalahok, kaya ang tinitingnan ng marami na may malaking tsansang manalo ay si Black Mamba, na umoras ng 0.56 noong kanyang 900 meters novato race.

Tulad ni Tabako (lahing Mr. Sutter – Liberty at Last) si Black Mamba (Principality-Spicy Tale) ay isa ring palahi ni Mr. Esguerra sa kanyang Herma Farms, at ito ay kapatid sa ina ng pamosong kampeon na si Real Spicy (Real Quiet-Spicy Tale).

Si Black Mamba, kabayo ni Pierre Niles, ay gagabayan sa Linggo ni JB Hernandez. Kalaban nila sina El Banquero (FM Raquel), He’s the Man (JB Guce), Hudson Hawk (AB Alcasid Jr.), Indelible Ink (LD Balboa), Kat’s Almighty (JG Tinte), Lover of All (DH Borbe Jr.), Princess Yana (KB Abobo), at Security Queen (VM Camanero Jr.).

Malaki ang premyong inihanda ng Philracom – P1.2 million ang kabuuan, na may P720,000 nakalaan sa first, P270,000 sa 2nd, P150,000 sa 3rd, at P60,000 sa 4th. Mayroon pang P70,000 premyo para sa breeder ng mananalong kabayo.

Bagamat masarap panoorin ang laban ng mga batang kabayo dahil dito natin makikita ang mga future Triple Crown champions para sa susunod na taon, may mga ilang taga-industriya na hindi kumbinsido na tama ang pagtatakbo ng two-year-olds.

Anila, sa edad na ito ay hindi pa ganoon katibay ang paa ng mga kabayo kaya mas malaki ang risk ng injury o di kaya “breakdown” (pagkagiba o grabeng pagkabali ng paa kung saan ay kailangang patulugin na ang kabayo).

Pag masyadong maaga sinimulan ang racing career ng kabayo, kadalasan ay nagkaka-damage sa buto at nagiging maiksi lang din ang panahon na sila ay maaring lumahok sa karera.

Kaya nakakapagtaka kung bakit sinimulan ng Philracom ng Mayo ang 2-Year-Old stakes series na dapat sana ay sa July pa raw. Dapat pa nga raw ay Marso ito sisimulan kaso may ilang horseowners na nagreklamo na masyado ngang maaga. Sana pag-aralan ito ng mabuti ng Philracom para sa kanilang paggawa ng schedule ng juvenile racing sa 2008.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: (L-R) Hermie Esguerra (owner-breeder of Tabako, He’s the Man, and Indelible Ink and breeder of Black Mamba), Aristeo “Putch” Puyat (owner- breeder of Lover of All), and fellow horseowner Mayor Ruben Dimacuha. (November 2006)

Related stories:

Comments are closed.