KL: MJC Stewards, Mali ang Diskarte?

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  27 March 2008, Thursday

MJC Stewards, Mali ang Diskarte?

Mahirap para sa isang racing steward ang dumiskarte ng pag-apply ng mga rules at regulations dahil kanya-kanya ang appreciation o paningin sa karera. Kaya sila ay madalas pagbuntungan ng galit ng mga mananaya, horseowner, trainer, at hinete kapag hindi nagustuhan ng mga ito ang naging desisyon ng stewards sa kaso.

Bilang ehemplo, tingnan natin ang ilang insidente na naganap nitong nakaraang racing week sa San Lazaro Leisure Park (SLLP). Noong March 23, Easter Sunday, naging kontrobersiyal ang naging desisyon ng Manila Jockey Club (MJC) Board of Stewards sa Race 5 at Race 8. Pati sa website ng Pinoy Horse Fanatics (www.phf.com.ph), pinag-usapan rin ang dalawang naturang karera.

Sa Race 5, nasa rekta na ang ilang kabayo, kasama na si Jacobo’s Dream na sinakyan ni JV Palomar. Malakas ang dating ng nagpa-remateng si Socialeros, lulan ni JM Manalo – pinakadehado sa lahat.

 Mga 100 meters from the wire, bumuka si Jacobo’s Dream at napunta ang kanyang daan sa harap mismo ng rumeremateng si Socialeros. Nag-”check” o nag-”preno” si Manalo upang huwag bumangga  sa puwitan ni Jacobo’s Dream. Panay naman ang palo ni Palomar sa kanan upang i-correct ang takbo ng kanyang kabayo, ngunit hindi niya mapigilan ito at na-harangan nga itong si Socialeros.

Napanood ko ang frontal shot ng karerang ito – kuha ng in-house video cameras ng MJC – at kitang-kita ang ginawang pagharang ni Jacobo’s Dream kay Socialeros na sana ay lalagpas na at malaki talaga ang chance na manalo. Pati ang Makisig Network coverage ay nagpakita ng “slomo” dahil nga kita ang pagharang na naganap, bagamat hindi pumayag ang mga Stewards na ipalabas sa broadcast ang kanilang frontal shot.

Akala nga mismo ng trainer ni Jacobo’s Dream, si Renato Hipolito, na madi-disqualify ang kabayo niya. Tumunog ang sirena para sa Steward’s Inquiry, ngunit pagkaraan ng makuha ang testimonya ng dalawang hinete at matingnan ng paulit-ulit ang video tape ng karera, nag-desisyon ang MJC Stewards na i-retain ang original order of arrival.

Dahil raw nanalo pa ng tatlong kabayo (three lengths) si Jacobo’s Dream, hindi dinis-qualify ng MCJ Stewards si Jacobo’s Dream at sa kanya binigay ang panalo, dahil wala rin naman daw “chance of success” na manalo pa si Socialeros. Ngunit sinuspinde nila si Palomar ng two racing weeks for careless riding (PR 13.B.1 of the New Racing Rules).

Galit na galit ang may-ari ni Socialeros na si Mr. Antonio “Tony” de Ubago. “I want the heads of these stewards!” aniya. Noong ilang buwang nakaraan, dinisqualify daw ang kabayo niyang si Ziklag na nakaharang sa ibang kabayo. Tama lang daw iyon dahil naka-istorbo siya. Ngunit, ngayon na kabayo niya naman ang naharangan ngayon, hindi dinisqualify ang kalaban bagkus pinapanalo pa ito!

Noong Race 8 naman noong Linggo rin, halos pareho ang naging sitwasyon nila Reklamador at Pristine Water. More on this next column.

Karera lang – walang personalan!  ***

Related stories:

Comments are closed.