KL: Ibarra, Makakaulit ba sa 2nd leg TC?

ibarra_tuneup.jpg

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Thursday, 21 June 2007

Suggested heading: Ibarra, makakaulit ba sa 2nd leg TC?

Mga kaibigan, ilang tulog nalang at 2nd leg Triple Crown na! Tinaguriang Jaime V. Ongpin Cup, sa Linggo na ito, June 24, sa San Lazaro Leisure Park o SLLP. Kasama rin dito ang Hopeful Stakes kung saan de-kalidad rin na kabayo ang lalahok. Huwag po sana ninyong kaligtaang panoorin ang mga karerang ito dahil siguradong gagawa ng “racing history” ang mga magkakatunggali.

Sa 2nd leg TC, lahat ng mata ay tiyak na kay Ibarra, na siyang nanalo nung May 20 sa 1st leg sa Santa Ana Park. Anim na kabayo o “lengths” ang pagitan niya sa sumegundo, at nakamamanghang panoorin noon ang kanyang pa-remate. Sa may medya milya siya nagpa-andar, nakuha ang unahan sa far turn, at hindi na lumingon ng pabalik mula noon, sa pagrerenda ni Jockey Kelvin B. Abobo.

Noong June 10 naman sa SLLP, sumali si Ibarra sa class-division na karera at nilampaso niyang parang sahig ang mga kalaban. Umoras siya ng 1:25-2/5 para sa 1400 meters sa gabay ni Jockey Antonio B. Alcasid Jr., na siyang nagturo kay Ibarra mula sa umpisa. Kakapiranggot nalang na sandali ay nabasag na sana niya ang record ni Wild Orchid na 1:25.

Bagamat 1750 meters na ang distansiya ng 2nd leg TC, tingin ng karamihan ay kayang-kaya ito ni Ibarra dahil nasa “comfort zone” niya pa ang distansiya. Kaso, ibang usapan na raw sa 3rd leg TC (July 22 sa SLLP), kung saan 2000 meters na ang haba at baka mahirapan na si Ibarra na isang natural na “sprinter” o matulin, sa nakikita natin sa mga performance niya.

Ganunpaman, si Ibarra lang ang may pag-asang maging Triple Crown champion. Siya lang ang may malaking posibilidad na maka-sweep, at, ‘di lang iyon, baka makagawa pa ng record!

Sa 2nd leg Hopeful Stakes race naman (1600 meters o milya), ayon sa mga tipsters na nakausap ko, patok raw si Superamerica na si jockey Alcasid din ang sasakay. Ayon kay Victor S. Martinez, may-ari ni Superamerica, tingin niya raw mas may tsansa siyang manalo sa Hopeful dahil ang karaniwang tinatalang tiyempo ng mga kalahok dito ay 1:43, na nagagawa rin ng kabayo niya.

Dagdag pa niya na masyadong matulin si Ibarra at hindi kaya ni Superamerica ang tiyempo nito, tulad nga ng nangyari noong inilaban niya si Superamerica kay Ibarra sa 1st leg TC.

Concerned lang din siya sa ugali ni Superamerica sa SLLP na ‘’humihinto pag nakakita ng ilaw’’, ngunit hindi na nila dapat ikabahala ito dahil hapon naman ang laban at hindi naman siguro aabutin ng dilim ang schedule nito. (Sana.)

At kahit natalo si Superamerica sa class-division noong June 9 sa SLLP (dumating siyang pangatlo kina Legendary at Maglev na kalaban niya rin sa Hopeful), inaasahan ng kanyang kuwadra na makakabawi na siya sa Linggo.

Ngunit kahit sa tingin ng marami na sina Ibarra at Superamerica ang may malaking pag-asang manalo sa karerang sinalihan nila, isaisip po natin na may panalo rin ang mga kalaban na pawing magagaling rin na mananakbo.

Kasama rin sa 2nd leg TC: Best Kept Secret, Es Twenty Six, Golden Sutter, Lord Boni, Passing Through, at Treasured Ack.

Kasali rin sa 2nd leg Hopeful: Afternoon Delight, Bravely Bold, Flyboy, Ididitmyway, Legendary, Lovely Bid, Macho Man, Maglev, at Miguelito.

Parehong sponsored ng Philracom ang mga karerang ito, at napakalaki ng nakalaan na papremyo. Good luck sa lahat ng mga kasali! Saludo kaming lahat sa inyo!

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: Ibarra looks in perfect condition right after winning his tuneup race at SLLP on June 10. He missed breaking the record for the 1400 meters by less than a second.

Related stories:

Comments are closed.