KL: Dugong Secretariat, May Bisa Kaya?

sec_belmont_small.jpg

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Monday, 25 June 2007

Dugong Secretariat, may bisa kaya?

Nakausap ko ang batikang trainer na si Chito Santos noong nakaraang Linggo sa SLLP. Kararating lang daw nila ni horseowner Oliver “Jojo” Velasquez at iba pang mga kasama mula sa Australia para sa Magic Millions Thoroughbred Sale. Idinaos ito noong June 12-14 sa Magic Millions Complex sa Gold Coast, at napakaganda raw ng mga nabili ng Jojo na mga kabayo, ayon kay Chito.

Ang isa rito ay isang filly o babaeng anak ng istalyong Johannesburg na nagustuhan talaga ni Jojo, kaya’t maaga pa lang pinuntuhan na agad niya ito at nabili ng magandang presyo.

Si Johannesburg (Hennessy-Myth, 1999) ay ipinanganak sa Kentucky, USA, at undefeated champion siya bilang 2-year-old, bagamat hindi kagandahan ang itinakbo niya noong 3-year-old. Madalas mangyari na impresibo ang pinapapakita bilang juvenile ngunit hindi nagfa-“fire” o nagtatagumpay pag patong ng ikatlong taon. Pagka-ganoon ay kadalasan nire-“retire to stud” o tumatayo bilang istalyon.

Ito ang naging kapalaran ni Johannesburg, na mataas ang lahi. Si Storm Cat ang kanyang lolo, na may dugong Northern Dancer at Secretariat. Ang lahi ni Secretariat ay maaring makapagbigay ng tulin mula sa kanyang amang si Bold Ruler at staying power ng kanyang lolong si Princequillo, pawang mga US champion lahat at mga “sire of sires” o ama ng mga champion rin na istalyon.

Idolo ko talaga si Secretariat, na Triple Crown champion sa Amerika noong 1973. Nag-set siya ng mga record sa Kentucky Derby, Preakness Stakes, at Belmont Stakes. Sa Derby itinakbo niya ang bawat cuartos ng mas matulin kaysa sa nauna, at mantakin ninyong galing pa siya sa bugaw o huling puwesto. Halos ganoon din ang scenario noong Preakness.

Ngunit ibang usapan na noong Belmont. Alam ng kalaban na de-remate siya, kaya pinilit kunin ng kanyang karibal na si Sham ang unahan para patayin ang ere. Natunugan ito ng hinete ni Secretariat na si Ron Turcotte. Kaya’t ang gulat ng manonood, pati ng owner na si Penny Chenery at trainer Lucien Laurin, noong nilabanan ni Secretariat si Sham para sa unahan. Hindi na siya nag-off the pace; simula pa lang ay niratrat na niya si kabayo at nanalo pa ng 31 lengths at nag-set ng record para sa mile and a half [2400 meters] na 2:24, record na di pa napapantayan hanggang sa araw na ito.

Iyan ang dugong nananalaytay sa ugat ng bagong biling filly ni Mr. Velasquez. Kung lalabas ito sa kanya, tiyak may tsansa ito maging champion din tulad ng kanyang pamosong ninuno.

May nabili pang ibang kabayo si Jojo Velasquez, at ang basehan niya sa pagpili ay ang lahi, dahil iniisip niyang mapabuti ang kanyang breeding operations. Si Chito Santos naman ay nagrekomenda na bumili siya ng mga panakbo na at ang kanyang basehan naman sa pagpili ay ang “conformation”.

Samantala, ayon naman sa kasamahan nating manunulat at TV host na si Andy Sevilla, na lumakbay rin ng Magic Millions kasama ni owner Roland Lim, nakabili raw si Roland ng chestnut colt na edad 1 taon 8 buwan. Lahing Giant’s Causeway-Prophet’s Kiss ito na may halagang Aus$30,000 [P1.2 million]. Ito pala ang pinakamahal na nabili ng isang Pinoy doon sa sale. Parehong stakes winners ang ama at inahen. Kaya tiyak na may potential champion din si Mr. Lim.

Mula sa Magic Millions, 39 raw ang inangkat na kabayo. May iba pang ipinasok sa bansa mula sa Amerika kamakailan. Siguradong magsisipakita ng gilas ang mga imported na ito pag panahon na nilang sumabak sa laban.

Karera lang-walang personalan! ***

Photo: The great Secretariat winning the Belmont by over 30 lengths.

Related stories:

Comments are closed.