KL: Ibarra, Na-Chip Bone!

ibarra_tuneup1.jpg 

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Monday, 16 July 2007

Suggested heading: Ibarra, na-chip bone!

Sa isang di-inaasahang pangyayari, ang bagong idolo ng bayang karerista na si Ibarra ay nagtamo ng “chip bone” at ayon sa may-ari nito ay iuurong na sa ika-3 yugto ng Triple Crown na kampeonato.

Walang kahirap-hirap na ipinanalo ni Ibarra ang unang dalawang yugto ng serye at tiyak ng karamihan na siya na rin ang mananalo sa huling laban sa July 22 sa San Lazaro Leisure Park (SLLP). Ika nila, ang pinaglalabanan nalang daw sa 3rd leg ay ang segundo puwesto.

Kaya’t dismayado ang lahat nang kumalat sa mundo ng karera ang balitang may diperensiya raw ang batang kabayo na inaasahan ng karamihan ay makaka-sweep ng Triple Crown itong taon.

Kung sakali, si Ibarra sana ang ika-siyam na kampeon ng Triple Crown pagkatapos ito huling mapanalunan ni Silver Story noong 2001.

Sa mga karerista, unang nakarating ang balita sa internet website phf.com.ph kung saan ibinahagi ng miyembrong si filheights ang kaganapan na-“chip bone” nga raw si Ibarra.

Nag-text ako sa may-ari ni Ibarra, si Mandaluyong Mayor Benhur C. Abalos, at tinanong ko kung ano ang natamong diperensiya ng kanyang kampeon at kung ito ay itatakbo pa niya sa 3rd leg. Heto ang kanyang sagot (isinalin ko mula sa Inggles):

Nagtamo si Ibarra ng chipped bone sa radial carpal area sa ibabaw ng kanang tuhod. Ito ay maliit na chip lamang. Ayon sa beterinaryo, sa scale mula sa 1 hanggang 10, ang 10 ang pinaka-grabe, nasa 1 o 2 lamang ang injury ni Ibarra. Pagkatapos ng operasyon, maari na siyang mag-ensayo uli pagkaraan ng dalawang buwang pahinga.

Ang higit na mahalaga para sa aming team ay ang kalusugan ng kabayo. Kami ay biniyayaan na ng dalawang corona ng Triple Crown, at kami ay nagpapasalamat sa Panginoon at sa mga naniwala kay Ibarra. Bagamat ang pag-sweep ng Triple Crown ay panaginip na hindi na matutupad, mas lalala ang injury kung si Ibarra ay itatakbo pa. Ibibigay nalang namin kay Ibarra ang pinaka-maiging atensiyong medikal, pag-aalaga, at rehab and “hope for the best”.

Tama nga naman at mas mabuti na ngang iurong nalang si Ibarra kesa ipilit patakbuhin dahil malamang lalong maa-agrabyado ang kanyang karamdaman. Ang 2,000 meters na distansiya ng 3rd leg ay di biro. Napakahaba nito. Todo bigay ang laban diyan. Lalo lang mapu-puwersa si Ibarra. Mabuti na nga iyong ipa-opera siya at “live to race another day,” lalo dahil may balak ang mga connections nito na ilaban siya sa Malaysia at iba pang bansa.

Good luck and best wishes kay Mayor Abalos at sa kanyang team. Sana ay lalo pang biyayaan ng Diyos itong si Mayor dahil napakabuting tao niyan. Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang malaking porsiyento ng kanyang horse prizes ay binibigay niya sa charity projects. Di niyo alam iyon, ano? Nasagap ko lang ang balita sa isang taga-Mandaluyong. Sabi nya, mga 30% to 50% raw ng neto ng P1.8 million na premyo ng 2nd leg Triple Crown na ipinanhik ni Ibarra kay Mayor ay pinamigay ni Mayor sa mga nangangailangan. Saludo ako sa inyo, Mayor Abalos!

Balik karera naman tayo. Ngayon malamang na wala na si Ibarra sa 3d leg, kanino ngayon tayo kakampi? Naging mas magandang laban ito, “anybody’s race”, ika nga. Tinitingnan ng marami dito ang sumegundo kay Ibarra sa 2nd leg na si Es Twenty Six, o di kaya ang nanalo sa Hopeful Stakes 2 na si Ididitmyway. Huwag ring kaligtaan sina Superamerica (sumegundo kay Ididitmyway sa Hopeful 2), Afternoon Delight (nanalo sa Colts Stakes noong Abril), at Golden Sutter (consistent placer sa mga stakes races).

Abangan din po ang magandang laban sa Hopeful Stakes 3, July 22 din sa SLLP.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: Ibarra being led away by his groom after winning the Triple Crown 2nd leg at SLLP. (10 June 2007)

Related stories:

Comments are closed.