KL: 3rd Leg Triple Crown: Anybody’s Race!

s26_2ndtc.jpg 

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Thursday, 19 July 2007

3rd leg Triple Crown: Anybody’s Race!

Ngayong wala na sa eksena ang kampeon ng unang dalawang yugto ng

Triple Crown, ang 3rd leg sa July 22 ay “anybody’s race” na!

Gaganapin sa San Lazaro Leisure Park sa distansiyang 2000 meters, itong pinakamahalagang karera para sa local-bred 3-year-olds ay lalong magiging ma-aksiyon at kapanapanabik gawa ng pagkaka-scratch ng “supercolt” na si Ibarra. Inoperahan noong nakaraang Biyernes para alisin ang isang chip bone mula sa kanyang kanang tuhod.

Si Ibarra sana ang inaasahang makakakopo ng ikatlong yugto ng Triple Crown, at kung sakali ay magiging ika-siyam lamang na Triple Crown champion mula noong huli itong ipinanalo ni Silver Story noong 2001.

Ang sabi nga ng mga karerista, segundo nalang ang pinaglalabanan sa 3rd leg dahil napakagaling talaga ni Ibarra.

Ngunit ngayong hindi na siya kasali, magiging balikatan ang laban sa primero. Ang mata ng karamihan ay nakatuon kay Es Twenty Six, na sumegundo kay Ibarra noong 2nd leg sa SLLP.

Inaasahang ring magpapakita ng gilas sina Ididitmyway (kampeon ng June 24 Hopeful Stakes 3), Superamerica (sumegundo kay Ididitmyway), Afternoon Delight (nanalo ng Colts Stakes noong Abril 15), at Golden Sutter (madalas tumimbang sa mga stakes races).

Ang ibang kasali sa 3rd leg ay sina El Terrible, Henry D’Eighth, Iron Tower, at Treasured Ack, na pawang mga de-kalidad rin at siguradong magbibigay ng magandang laban.

Matindi rin ang Hopeful Stakes 3 na lalahukan nila Defiant, Dynamic Duo, Kai Jason, Legendary, Miguelito, Runnin’ Rebel, at Sexy Eyes.

Bumalik tayo doon sa kaso ni Ibarra. Maraming nagtatanong kung kamusta na ito pagkatapos ng kanyang “arthroscopy” o operasyon sa chip bone. Ayon kay horseowner “filheights” ng phf.com.ph (Pambansang Website ng Pinoy Horse Fanatics), “Inalis ni [Dr. Rey Miranda] ang ga-butil ng mais na bone chip sa kanang tuhod kung saan si Ibarra ay sumailalim ng general anesthesia…”

“Sa susunod na dalawang buwan ay mamamalagi si Ibarra sa loob ng kanyang kwadra at kapag lubusan nang gumaling ang sugat ay iaakyat siya sa rancho upang doon ay mag-recover ng husto ang kanyang tuhod. Sa normal na sitwasyon, maaring ibalik sa ensayo ang kabayo matapos ang arthroscopy sa loob ng tatlo o apat na buwan. Pwede ring mas mahaba pang panahon at ito’y mas maganda para sa kabayo.””Doon sa mga nagtatanong kung aabot siya sa November P4 million na 3-Year-Old championships o sa PCSO Presidential Gold Cup, depende na ito sa diskarte ni Mayor Abalos [may-ari ni Ibarra]. Pero, kung ako ang tatanungin, karkula ay next year na natin makikita muli si Ibarra sa mga pista.”

Get well soon kay Ibarra at good luck sa Team Abalos!

Get well soon din kay racecaller Ernie Enriquez, na nagiging maganda ang response sa kanyang therapy pagkaraan ng natamong stroke noong June 24.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: Es Twenty Six during the parade of the 2nd leg Triple Crown, June 24 at SLLP, jockey Dominador H. Borbe Jr up.

Related stories:

Comments are closed.