KL: Es Twenty Six, Bagong Idolo ng Karera

s26_awarding.jpg 

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok, Thursday, 26 July 2007

Es Twenty Six, Bagong Idolo ng Karera

Lahat ay natuwa at namangha sa ipinakitang galing ng kabayong Es Twenty Six noong kanyang napanalunan ang 3rd leg ng Triple Crown Championship sa San Lazaro Leisure Park (SLLP) noong Hulyo 22.

Bagamat siya na rin ang llamado, gawa ng kanyang pagka-segundo kay Ibarra noong 2nd leg ng naturang serye, hindi pa rin siya naging outstanding favorite. Ito ay marahil marami ring magagaling na kalaban at dahil siya ay isang filly o babaeng kabayo. May “rule of thumb” raw kasi na kung papipiliin ka sa colt (lalaki) o filly, mas malakas raw kadalasan ang lalaki.

Ngunit pinatunayan ni Es Twenty Six na wala sa “gender” ang labanan kundi sa pabilisan ng takbo. Umoras siya ng 2 :06.5 para sa 2000 meters. Hindi niya tinalo ang joint record ni Wild Orchid at Stowaway Lass na 2 :04.4, ngunit nanalo naman siya ng “four lengths” o apat na kabayo kaya makikita natin na “outclassed” niya ng ibang mga kalahok.

Siksikan ang mga karerista sa Gallery section ng SLLP noong awarding ceremony. Napakalakas ng palakpakan at sigawan nang bilang emcee, tinawag ko sa entablado ang mga “winning connections” upang tanggapin ang kanilang tropeo. Sa limang taon kong bilang program host ng karera sa parehong pista, marami na akong ginawang awarding, ngunit ngayon lamang ako nakarinig ng ganoon kasiglang reaksiyon mula sa mga manonood. Para bang nakuha talaga ng Team Es Twenty Six ang damdamin at puso ng mga karerista.

Ayon sa sota ni Es Twenty Six, wala naman raw iniinda ang kabayo pagkatapos ng karera at “pa-improve” pa nga raw ito. Nakadeklara siya para sa 1750-meters na Philracom Lakambini Stakes, Agosto 5 sa SLLP. Congrats sa may-ari, Nery Sunga; trainer, Dave de la Cruz; at hinete, Dominador H. Borbe Jr. sa kanilang pagkapanalo ng isang korona ng Triple Crown.

Hulyo 22 rin idinaos ang Hopeful Stakes kung saan nanalo si Legendary. Outstanding favorite naman noong tumakbo ang colt na ito. Mas matindi ang labanan sa karerang iyon dahil “one length” lang ang kanyang lamang sa sumegundong si Dynamic Duo, ang pinaka-dehado sa lahat.

Bukod doon, ang araw na iyon ay ang kauna-unahang pagtatanghal ng “Mega MARHO Sunday”, pakulo ng MARHO (Metropolitan Association of Race Horse Owners), kung saan ang 11 ibang karera ay lahat “MARHO Members Premium Race” na may bonus na P10,000 sa winner kung siya ay MARHO member. Natuwa ang mga miyembro ng MARHO sa tagumpay ng kanilang ideya at pinag-aaralan nila ngayon na gawin ito kada buwan. Magandang balita ito para sa mga karerista dahil ibig sabihin mas may insentibo ang mga may-ari na magpadeklara ng kanilang mga kabayo, at sana ay gaganda ang mga lineup.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: Awarding ceremony for the Philracom 2007 Horseman’s Cup (3rd leg Triple Crown) in honor of the late former Philracom chairman Benedicto K. Katigbak. Jockey DH Borbe Jr. receives his trophy from Octavio Katigbak, son of the late chairman.

Related stories:

Comments are closed.