KL: Ibarra, Itatakbo sa MetroTurf Na!

by Jenny on January 1, 2008

ibarra_stable.jpg 

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Monday, 30 July 2007

Ibarra, Itatakbo sa MetroTurf Na!

Maraming kaganapan ngayon sa mundo ng karera na pawang palaisipan sa mga karerista dahil sa bilis at pagkakaiba ng mga ito. Iba’t iba rin ang pananaw ng mga taga karera sa halaga (“significance”) ng mga bagay na ito – minsan ay hindi malaman kung ito ay positibo (makakatulong at makakapagpaunlad ba?) o negatibo (makakagulo ba ito o makakapag-pabagal ng pag-unlad?).

Una ay ang anunsiyo kamakailan na isang pahina kalaki sa Philippine Daily Inquirer (sister publication ng Tumbok) kung saan ang ilang horseowners at trainers ay sumulat ng “urgent appeal” sa Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa liham na ito, inilista nila ang tingin nilang mga sablay na diskarte ni Gen. Florencio Fianza, dating pulis na ngayon ay chairman ng Philracom (Philippine Racing Commission), tulad ng bagong sistema ng handicapping ng two-year-olds at ang binabalak na pagpapahigpit sa pag-aangkat (“importation”) ng mga de-lahing kabayo mula sa ibang bansa. Nais ng mga horseowners at trainers na ito na bumitiw na sa puwesto si Chairman Fianza.

Ayon naman sa isang press release ng Philracom na lumabas noong araw din na iyon sa pahayagan din na iyon sa sports section, ipinagmalaki ni Chairman Fianza ang mga iginanda ng industriya mula ng siya’y naupo. Kasama rito ang pagtaas ng gross sales ng karera mula noong nakaraang taon, at ang inaasahan niyang tataas pa na benta sa 2008 gawa ng dadagdagan raw ang budget ng ahensiya para sa premyo (horse prizes) sa susunod na taon para sa mas magandang karera.

Sa katunayan, mas mababa ang benta noong 2006 dahil nag-tanggal ang mga racing clubs ng daily double event ng ilang buwan upan labanan ang mga bookies, isang proyekto sa pamumuno ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos. Noong ibinalik ang daily double noong patapos na ang 2006, nag-”correct” ang “trending” at unti-unti ay nakakabawi na uli ang industriya.

Naumpisahan rin ang pagtaas ang premyo nitong 2007 dahil noong nakaraang taon, si Mayor Abalos, na congressman pa noon, ay gumawa ng paraan sa Kongreso upang madoble ang budget ng Philracom kaya maganda na ang premyo sa kasalukuyang taon.

In fairness, may mga maganda rin namang nagawa si Chairman Fianza tulad ng pagpapa-renovate ng opisina ng Philracom at ang pagpapa-computerize ng mga data nito na dapat naman talaga ay matagal nang naisatupad. Sinimulan na rin nila ang pag-”professionalize” ng “racing operations” sa pag-uusap sa mga racing clubs ayon sa training, equipment, at iba pang mga bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng karera.

Teka, mabalik tayo dun sa nabanggit kong mga “kaganapan” nga. Isa na nga itong bangayan ng ilang horseowners sa Philracom na sana ay mahanapan na ng mapayapang solusyon.

Ang isa pang kaganapan ay ang pagpapatayo ng Metropolitan Manila Turf Club (MetroTurf) na karerahan ni horseowner/breeder Raymund B. Puyat sa Silang, Cavite. Noong isang linggo ay nag-formal presentation na sila sa Philracom at sa horseowners.

Ayon kay jockey Antonio B. Alcasid Jr., si Mayor Abalos ay nagsabi na susuporta siya sa MetroTurf at ililipat na niya ang kanyang mga kabayo doon pagnayari na ang mga stables. Nagsabi na rin daw si Mayor na sa MetroTurf mag-eensayo at itatakbo si Ibarra sa kanyang pagbabalik-pista pagkatapos ng kanyang recovery mula sa chip bone operation.

Ang tanong ng lahat ng karerista ay, paano na ang scheduling ng karera kung tatlo na ang karerahan? Katunayan, sa Miyerkoles ay may miting sa Philracom upang pag-usapan ito. Inimbitahan ang mga representante ng mga racing clubs na sumali sa miting na ito. Natural na hindi papayag ang Manila Jockey Club at Philippine Racing Club na magbawas ng racing days nila. Kaya ano ang mangyayari? Abangan nalang po natin.

Maraming pang mga kaganapan, ngunit kulang na tayo sa espasyo kaya “to be continued” nalang po.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: A closeup of handsome colt Ibarra (Yonaguska-Fire Down Under). (Photo taken March 2007)

Related stories: