KL: Scheduling ng Tatlong Karerahan, Mahirap

screenshot_odds.jpg 

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Thursday, 9 August 2007

Suggested heading: Scheduling ng Tatlong Karerahan, Mahirap

“Makakahanap tayo ng solusyon. Bagamat ito’y siguradong hindi magugustuhan ng lahat, ito na siguro ang pinaka-mabuti para sa industriya base sa sitwasyon ngayon.”

Ito ang pahayag ni Philracom chairman Florencio Fianza ukol sa desisyon na kailangang gawin ng Philracom Board sa scheduling ng karera sa napipintong pagpasok ng ikatlong karerahan, ang Metropolitan Manila Turf Club (MetroTurf).

Sa ngayon, saliitan ng linggo ang dalawang karerahan, ang Manila Jockey Club (MJC) at ang Philippine Racing Club (PRC). Bawat racing club ay may anim na araw ng karera sa loob ng isang linggo.

Ito na ang nakaugaliang schedule simula’t sapul. Itinatag ang MJC noong 1867, ang PRC naman noong 1930s, at sa kabuuan ng kanilang paghatid ng karera ay hindi pa sila nakaka-engkwentro ng tunay na kalaban na nagtagal.

Kaya’t nakasanayan na nila na hati sila sa isang taon. Pero paano na ang scheduling na iyan sa inaasahang pagsimula ng MetroTurf sa unang bahagi ng 2008?

Tumawag ng meeting noong nakaraang Miyerkoles ang Philracom upang pag-usapan ang bagay na ito. Inanyayahang sumali sa meeting ang mga kinatawan ng MJC, PRC, MetroTurf, horseowners’ organizations, at iba pang sektor ng industriya.

Heto ang napag-usapan. Ang mga “options” o maari maging scheduling ay ang 3-week rotation (saliitan pa rin ng linggo, pero sa tatlong karerahan na at hindi lang sa dalawa), o simultaneous racing (sabay-sabay magpapatakbo ang bawat racing club).

Natural na ayaw ng MJC at PRC na mabawasan ang kanilang araw ng karera dahil sa ngayon, halos hindi na nga kumikita ang mga ito at nasa “survival mode” nalang.

Ayon naman kay Raymund B. Puyat, horseowner at pangulo ng MetroTurf, iminumungkahi niya ang “simultaneous racing” at bahala na raw ang mga horseowners na tumakbo kung saan nila gusto. Aniya, hayaan na raw ng industriya ang “free enterprise” upang makapili rin ang mga mananaya kung saan nila gustong tumaya. Ngunit papayag na rin daw sila sa “3-week rotation” kung ito ang iuutos ng Philracom.

Ang mga horseowners’ groups ay iba-iba ang gusto. Ayon kay Rudy Pamintuan ng Klub Don Juan de Manila, sila ay para sa 3-week rotation. Sabi naman ni Manny Santos ng Philtobo, simultaneous racing daw. At para naman sa MARHO, hahayaan nalang daw nila ang Philracom na mag-desisyon, sabi ng representante ng MARHO na si Carlo Mendez.

Nakinig si Chairman Fianza sa iba’t ibang mungkahi at sabi niya nga, mahihirapan silang mag-desisyon. Ngunit gagawa raw sila ng masusing analysis sa mga “pros and cons” hinggil sa sitwasyon ito, base sa mga numero at iba pang “economic considerations”. Kasama na rin ang mga suhestiyon ng clubs, kaya sabi niya dapat mag-sumite ang mga ito ng kanilang mga “position paper” agad.

Hindi ito madaling mapagde-desisyunan dahil siguradong mababawasan ang MJC at PRC ng racing days, o kung simultaneous racing naman, bababa pa rin ang kita nila dahil mahahati ang mga mananaya kung saan sila tataya.

Paano kaya kung “simulcasting” ang gawin? Ito ay ang pagpapatakbo ng dalawa o higit pang karerahan na may pagitan ang bawat karera, at naka-“link” o tie-up ang totalizator o betting system, at puedeng tumaya sa lahat ng karera. Ito ang sistema sa Amerika at iba pang bansa na may maraming karerahan o may foreign simulcasts.

Halimbawa, 2pm ang Race 1 sa MJC. 2:15 ang Race 1 sa PRC. 2:30 ang Race 1 sa MetroTurf. Kung naka-link ang computers, puedeng tumaya sa lahat ng mga karerang ito. Sa ganitong paraan, lahat ay puedeng mag-operate pa rin ng sabay.

Kaso nga lang, baka hindi pumayag ang mga clubs na magkaroon ng ganitong “linkage” dahil matindi ang kumpetisyon sa mga ito. At hindi pa natin alam ang magiging “trending” sa “sales” – mahahati lang ba ang pera ng mananaya? O madadagdagan ba ito kung dadami ang mga karerang maaring tayaan?

Mga palaisipan talaga, ngunit exciting ang mga panahong ito at ang mga darating para sa mga karerista dahil sa mga pagbabago na ating matutunghayan.

Mapaiba naman – saludo ako sa winning team ni Treasured Ack, kampeon ng 2007 Philracom Lakambini Stakes na idinaos sa SLLP noong Agosto 5. Malayong quinto llamado lamang si Treasured Ack na P17,000 mahigit lang ang benta sa daily double, samantalang P984,000 ang napunta kay outstanding favorite Es Twenty Six na sumegundo lamang dito sa Lakambini.

Matatandaan na sa huling kolum ko, noong Agosto 2, si Treasured Ack ang napili kong makaka-upset kay Es Twenty Six dahil siya ang pinakabatak sa laban, at iyong ngang kakahayang iyon ang pinakita niya kaya’t siya’y nagtagumpay. Congratulations, owner Nel Velasco, jockey John B. Cordero, at trainer Buboy Jacob!

Karera lang – walang personalan! ***

Photo: Screen capture of the official results and dividends for Race 7 at SLLP, Friday, August 3. Hefty payoffs like these usually follow from longshot wins, as in this race, won by El Cid, the longest shot of all in an eight-horse field (my personal choice due to good past performances). Sales for the established clubs MJC and PRC will certainly dip if the number of racing days allotted are reduced with the entrance of MetroTurf.

Related stories:

Comments are closed.