KL: Curlin, Nanalo sa 2008 Dubai World Cup!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  1 April 2008, Tuesday

Curlin, Nanalo sa 2008 Dubai World Cup!

Hindi napahiya ang mga connections ng US Horse of the Year Curlin noong lumaban ang kanilang alaga sa 13th Dubai World Cup (DWC) nitong March 29 sa Nad-al-Sheba racecourse. Nakuha ng pamosong 4YO colt ang unahan sa rekta at tuluyang pinakain ng alikabok ang labing-isang kalaban upang panalunin ang “richest race in the world” na may kabuuang premyo na US$6 million (P246 million).

Llamado sa bentahan si Curlin, na nirendahan ng kanyang regular rider na si Robby Albarado. Bandera si Well Armed, at segundo naman si Asiatic Boy halos buong karera, samantalang nagpahinga lang sa tercero puesto si Curlin.

Noong nagpa-remate na ito, kaunting tulak lang ni Albarado sa rekta at nilagpasan ni Curlin ang dalawang nasa unahan, at nanalo pa ito ng 7-3/4 lengths – bagong record para sa “margin of victory” sa 1-1/4 mile (around 2000m) na Dubai World Cup. Tinalo ito ang dating record na six-length win ni Dubai Millenium noong 2000.

Curlin_wins_13thDWC_AP

Curlin wins the 2008 Dubai World Cup with plenty to spare. (AP Photo)

Si Curlin, na kinukundisyon ng trainer na si Steve Asmussen, ay nakapagtala na ng apat na sunod na panalo  - Jockey Club Gold Cup, Breeders’ Cup (BC) Classic, Jaguar Trophy Handicap, at itong Dubai World Cup na isang Group 1 international race.

Anak ni Smart Strike, si Curlin ang ika-apat na kabayo na nanalo ng BC Classic at nanalo rin ng DWC noong sumunod na taon. Ang iba ay sina Cigar, Pleasantly Perfect, at Invasor (2007 DWC winner).

Halagang US$3.5 million (P143.5 million) ang napuntang premyo kay Curlin para sa kanyang tagumpay sa DWC. Ang kanyang total career earnings ngayon ay US$8.8 million at nasa third place na siya sa all-time earnings sa North America, kasunod nila Cigar ($9.9 million) at Skip Away ($9.6 million).

Sa ipinakitang kakaibang galing ni Curlin, nagmistula siyang “halimaw” sa mga kalaban. Ayon kay John Murtagh, hinete ng sumegundong si Asiatic Boy, “My horse has run a marvelous race and he fought and fought to get his second place. The winner is a monster.”

Sagot naman ni Robby Albarado, hinete ni Curlin: “He’s an amazing horse. I was just a passenger.”

Robbyalbarado_wins_13thDWC_AP

A jubilant Robby Albarado after his DWC victory – “I was just a passenger.” (AP Photo)

May lahi na sa Pilipinas itong si Curlin, sa pamamagitan ng stallion na si With Class (Deputy Minister-Classy ‘N Smart), na half-brother ni Smart Strike, “sire” o ama ni Curlin. Si With Class ay kasalukuyang nasa Paris Match Farm ni Mr. Aristeo G. Puyat. Tamang-tama ang impormasyon na ito sa mga interesadong breeders lalo na’t breeding season na ngayon.

Sa ibang mga balita: Ang scheduled Philracom stakes races natin para sa buwan na ito ay April 6, Diamond I Stakes, 1600m, SLLP; at April 13, Diamond II Stakes, 1600m, PRC. Parehong P500,000 in total prizes ang nakalaan para sa bawat karerang ito.

Doon naman po sa papalapit na Triple Crown at Hopeful Stakes series, heto ang schedule: May 18, SLLP: First Leg Triple Crown (1600m) at Hopeful (1600m);  June 22, PRC: Second Leg Triple Crown (1800m) at Hopeful (1800m); at July 20, PRC: Third Leg Triple Crown (2050m) at Hopeful (1800m).

Lumabas na po ang latest issue ng Horseman’s Digest magazine, the only glossy magazine on horseracing in the country today – available at both racetracks and selected OTBs and other outlets. Basahin ang ibang artikulo sa http://gogirlracing.wordpress.com.

Karera lang – walang personalan!  ***

Related stories:

Comments are closed.