KL: EI – Bagong Salot sa Kabayo

oyet_jracup.jpg 

KARERA LANG!

by Jenny Ortuoste for Tumbok

Monday, 3 September 2007

EI- bagong salot sa kabayo

Laganap na sa bansang Japan at Australia ang sakit na EI o Equine Influenza sa kanilang populasyon ng kabayo. Ang EI ay iba pa sa EIA o Equine Infectious Anemia na sumalanta sa mga kabayo dito sa Pilipinas noong 2004.

Ang EI ay dala ng influenza H3N8 virus at ayon sa isang advisory mula sa Philracom, isa itong “malubhang sakit ng mga kabayo” na labis na nakakahawa. Ang mga simtoma nito ay lagnat, sipon, at ubo. Humihina ang performance ng mga apektadong kabayo at nakakamatay rin ito lalo na sa batang kabayo at iyong dati nang may sakit o mahina ang kundisyon.

Dagdag pa sa ulat ng Philracom, sabi raw ng mga Australian racing authorities na hinala nila na ang “outbreak” ng EI ay lumabas una sa Japan at dinala sa Australia ng 13 kabayo noong Agosto 8.

Kabilang raw dito ang ilang mga istalyon na nagkasta sa Japan. Kung tawagin sila ay “shuttle stallions” dahil tuwing breeding season ay nagsa-“shuttle” sila o bumibiyahe sa iba’t-ibang bansa. Hindi pa kumpirmado ang ulat na ang pamosong istalyon na si Encosta de Lago ay isa sa mga nahawaan.

Tumigil ng tatlong araw ang karera sa Australia, at pati importation at exportation ay itinigil na rin muna. Pati ang pagdadala ng kabayo sa ibang bahagi ng bansa ay ipinagbawal na rin. Hindi pa raw natutuklasan kung saan talaga nagmula ang impeksiyon.

Kinuha ko rin ang bahagi ng mga taga-Japan, at nakapanayam ko si Mr. Gen Yasuma, chief representative ng JRA (Japan Racing Association) na naka-base sa Hong Kong.

Ani Yasuma-san, natuklasan nila na ang EI ay dinala sa Japan ng ilang kabayong galing Ireland, ngunit hindi pa natitiyak kung ito ay galing sa mga “shuttle stallions” o sa inahen. Nagtataka nga raw sila kung paano nakapasok ang sakit sa Japan dahil saksakan ng higpit naman ang kanilang mga quarantine protocol.

Sa ngayon, punong-puno raw ang kanilang mga quarantine areas at pansamantalang itinigil muna ang quarantine dahil wala na ngang mapaglagyan ng kabayo.

Tinigil rin sa Japan ang importation at exportation ng kabayo, at nitong kailan lang ay sinuspinde nila ang lahat ng karera ng isang linggo.

Dagdag pa ni Yasuma-san, malaki na raw ang ginagastos ng bansang Japan sa pag-iimbestiga ng pinagmulan ng sakit at kung papaano ito susugpuin. Ang nakakagulat raw sa pangyayari ay ang napakabilis na paglaganap ng sakit. Nitong Agosto lang din daw ito lumitaw sa Japan.

Sa loob lamang ng isang buwan, napakalaking pinsala sa ekonomiya ang naidulot ng virus na ito. Milyon ang halaga na nawala sa Australia at Japan dahil sa natigil na pagbebenta at pangangarera ng kabayo.

Dito naman sa atin, ipinagbawal na rin muna ang pag-aangkat ng kabayo. Sayang, dahil may nabiling istalyon sa Japan sina Mr. Aristeo “Putch” Puyat and Mr. Ochie Santos na anak ni Forty Niner na hindi pa nila maipapadala rito sa Pilipinas.

Karera lang – walang personalan! ***

Photo shows Hong Kong-based JRA Chief Representative Gen Yasuma handing the 2007 JRA Cup to jockey Antonio B. Alcasid Jr., who rode longshot winner Great Emma. (Roel Taripe, 2 Sep 2007, SLLP)

Related stories:

Comments are closed.