KL: KDJM Derby, Tuloy!

kdjm_logo.jpg

KARERA LANG!
By Jenny Ortuoste
for Thursday, 6 Sept 2007

Suggested heading: KDJM Derby, tuloy na tuloy!

Tiniyak ng pamunuan ng Klub Don Juan de Manila (KDJM), organisasyon ng horseowners, na sa Oktubre 9-14 idaraos sa San Lazaro Leisure Park (SLLP) ang 6th KDJM Derby racing festival.

Ito ay naging taunang tradisyon na sa SLLP at ang Derby Week ay kadalasan kung kailan nagkakaroon ng pinakamataas na sales ang Manila Jockey Club (MJC).

Apat ang tradisyunal na major stakes races nila. Ito ay ang Don Juan Derby, Don Antonio Floirendo Golden Girls Stakes, KDJM Juvenile Colts, at KDJM Juvenile Fillies. Magkakaroon din ng 16 o higit pa na trophy races na ikakalat sa buong linggong iyon. Kabilang sa mga sponsors nito ay ang Isuzu Philippines at New Zealand Bloodstock.

Ayon kay horseowner at KDJM member Jun Almeda, 19 na ang nominadong kabayo para sa Derby at higit 14 sa Golden Girls. Kung walang uurong, malamang na magkakaroon ng elimination races para sa dalawang karerang ito. Ang elimination races ay parehong 1500 meters at gaganapin ng Set 30 sa SLLP. Abangan, dahil parang mini-stakes races na rin ito!

Noong nakaraang raceweek ng SLLP, nagpa-“intent” ang KDJM para sa mga Derby trophy races at nagulat sila sa dami ng nagpalista – 600 kabayo! Sabi nga ni Mr. Almeda, ito raw ang pinakamagandang Derby dahil sa dami ng sasali at sa ganda ng lineup.

Samantala, sa Oktubre 28 naman ang 3rd Tumbok Cup! Ako’y nagagalak na sa SLLP naman ito idaraos pagkaraan ng dalawang taong magkasunod sa Santa Ana Park, upang magkaroon naman ng ibang venue ang karerang ito at mabigyan ng kakaibang kasiyahan ang mga manonood, sponsors, at organizers lalo na ang mga taga-Tumbok.

Ito ay isang charity race, at ang magiging beneficiary ay ang Gifts and Graces Fair Trade Foundation. Ang Philracom ang major sponsor ng Tumbok Cup.

Ang karera para sa Set 16, Linggo, sa SLLP ay ang PLM (Pamantasan ng Lungsod ng Maynila)-Maragtas Cup, sponsored by Philracom.

Karera lang – walang personalan! ***

Related stories:

Comments are closed.