KL: Suspension ni Jockey AL Lumagui, Inapila!

mando_bw.jpg 

KARERA LANG!

By Jenny Ortuoste for Tumbok

Thunrsday, 20 Sep 2007

Suspension ni Jockey AL Lumagui, inapila!

Tumungo sa Philracom noong Miyerkoles si jockey Armando L. Lumagui upang apilahin sa mga commissioners ang kanyang pagkakasuspindi noong nakaraang raceweek sa San Lazaro Leisure Park (SLLP).

Sakay noon ni Lumagui ang kabayong Kimagure (pag-aari ng MPL Trading at kinukundisyon ni Dave de la Cruz), at si Lumagui ay napatawan ng 4 racing weeks suspension ng stewards ng Manila Jockey Club (MJC) sa kadahilanang “not being competitive”.

Ang ibig sabihin nito, sa tingin ng MJC stewards ay hindi ginawa ni Lumagui ang lahat ng makakaya niya upang mabigyan ng mas magandang puwesto ang kanyang kabayo upang magkaroon ito ng mas malaking pagkakataon na manalo.

Idinaan ni Lumagui si Kimagure sa loob at ito ay natapalan ng natapalan ni Distinctive Dancer. Dalawang beses na naipanalo ni Lumagui si Kimagure at sa parehong karerang iyon ay sa labas niya iginiya ang kabayo.

Si Kimagure raw, ayon sa mga race analyst, ay may ugali na ayaw magtrabaho kapag nasa loob at kapag nasasapawan ng ibang kabayo, kaya ang pinakamabuting istratehiya para sa kanya ay idaan siya sa labas.

Katunayan nito ay noong itinakbo uli si Kimagure noong nakaraang Linggo dala ng ibang hinete, at nanalo ito dahil idinaan sa labas.

Ang katuwiran ni Lumagui, hindi raw siya makakuha ng mas magandang puwesto kaya natapalan ang sakay niyang Kimagure. Kaya niya inapila sa Philracom ang kanyang suspensiyon.

Ayon naman sa karamihan, may katuwiran ang pagpataw ng suspensiyon kay Lumagui dahil sa kanyang nagawang maling desisyon sa pagdadala kay Kimagure noong karerang iyon at dahil hinayaan niyang matapalan siya ng kalaban.

Sa ngayon, nasa Philracom na ang desisyon kung ano ang gagawin sa kasong ito – kung ili-lift ang pinataw na suspensiyon, o i-affirm ito at hayaang tapusin ni Lumagui ang apat na linggong hindi siya sasakay.

Ang Philracom ay may power na mag-review ng kaso lalo na kung may inihain na apilasyon. Ito ay nakasaad sa Rules and Regulations of Horse Racing ng Pilipinas. Kaya madalas may dumadalaw na mga hinete at trainer sa Philracom kada Lunes upang mag-hain ng kani-kanilang hinaing.

Karera lang –walang personalan! ***

Photo: Portrait of Armando L. Lumagui. (Tok Paler, March 2007, SLLP)

Related stories:

Comments are closed.